Home HOME BANNER STORY Tumatakbong gobernador, 2 PCG escort arestado sa pangingikil; pangalan ng First Lady...

Tumatakbong gobernador, 2 PCG escort arestado sa pangingikil; pangalan ng First Lady ginagamit

GUIMARAS – Inaresto ang isang kandidato para sa gobernador sa Guimaras matapos umano niyang gamitin ang pangalan ni First Lady Liza Araneta-Marcos upang humingi ng P800,000 mula sa isang negosyante kapalit ng mabilisang pag-apruba ng isang emission testing center.

Ayon kay Police Brig. Gen. Nicolas Torre III ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kinilala ang suspek bilang “Maggie” na nagpakilalang pinsan ng First Lady.

Sa isinagawang entrapment operation noong Pebrero 11 sa bayan ng Sibunag, nadakip din ang dalawang tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) na nagsilbing kanyang security escort.

Noong Setyembre, tinanggap ni Maggie ang P400,000 mula sa biktima ngunit nabigong tuparin ang pangako. Nitong nakaraang linggo, muli niyang siningil ang natitirang balanse, kaya humingi ng tulong ang negosyante sa CIDG.

Nahuli si Maggie at isa pang kasama sa pagtanggap ng markadong pera, habang nakuha sa dalawang tauhan ng PCG ang baril na dala nila.

Nahaharap na sa kaso sa Provincial Prosecutor’s Office ng Guimaras ang apat na suspek. RNT