MANILA, Philippines – Pinag-iingat ang mga Pilipinong bibiyahe sa ibang bansa laban sa visa scam kasabay ng pagtaas ng demand sa travel documents.
Ayon sa VFS Global, isang visa outsourcing firm na humahawak ng mga administratibong gawain para sa 28 dayuhang embahada sa Pilipinas, tumaas ng 38% ang visa applications noong 2024 kumpara noong 2019.
Dahil sa mga delay sa proseso, sinasamantala ito ng mga scammer na nagpapanggap bilang tauhan ng embahada o VFS Global upang mangako ng garantisadong visa kapalit ng pera.
Nilinaw ng VFS Global na hindi ito nakikipagtrabaho sa anumang third-party para sa visa appointment bookings. Pinayuhan ang mga aplikante na mag-apply nang maaga, dahil karamihan sa mga bansa ay tumatanggap ng aplikasyon hanggang 90 araw bago ang biyahe, habang ang Schengen visa ay maaaring i-apply anim na buwan bago ang pag-alis.
Tanging sa opisyal na website, www.vfsglobal.com, maaaring magpa-appointment para sa visa. RNT