Home NATIONWIDE Tumulong kay Guo na makaalis ng Pinas pananagutin ng DOJ

Tumulong kay Guo na makaalis ng Pinas pananagutin ng DOJ

MANILA, Philippines – Pinaiimbestigahan na ng Department of Justice ang pagtakas palabas ng bansa ng pinatalsik na Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Tiniyak ni DOJ spokesman Atty. Mico Clavano na papanagutin ng kagawaran ang sinuman na responsable para makaalis ang kontrobersyal na dating alkalde.

Hindi ito aniya isang simpleng usapin na maaring ipagkibit-balikat lamang.

“This is a case of national significance. Thus if it is indeed true that Alice Guo has left the country, a thorough investigation is needed to hold those responsible accountable. This is not a light matter,” ani Clavano.

Nitong June isinailalim si Guo sa Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) kung saan inaatasan ang lahat ng immigration officers na ialerto ang otoridad sakaling magtangkang umalis ng bansa si Guo.

Kinumpirma naman ni Presidential Anti-Organized Crime Commission spokesperson Dr. Winston Casio na nakaalis na si Guo sa Pilipinas at tatlong bansa sa Southeast Asia ang napuntahan nito kung saan ang pinakahuli ay sa Indonesia.

“Confirmed that Alice Leal Guo is out of the country based on our foreign counterparts’ immigration records,” ani Casio.

Dumating si Guo sa Kuala Lumpur, Malaysia noong July 18 mula Denpasar, Indonesia via Batik Air 177. Nakarating sa Singapore mula Kuala Lumpur via Jetstar Asia 686 nitong July 21 at August 18 ay nakarating sa Batham, Indonesia mula Singapore sa pamamagitan ng ferry boat. Teresa Tavares