BUHAY pa ang pag-asa ng De La Salle University Lady Spikers para sa twice-to-beat advantage sa UAAP Season 87 Final 4 matapos nilang daigin ang Adamson University Lady Falcons sa isang matinding limang set na laban, 25-19, 21-25, 22-25, 25-18, 15-4, nitong Miyerkules sa Mall of Asia Arena.
Pinangunahan nina Angel Canino (22 puntos), Shevana Laput (21), at Amie Provido (14) ang atake ng Taft-based squad, ngunit si Shane Reterta, isang rookie, ang nagsilbing game-changer sa deciding fifth set kung saan siya ay nagtala ng apat sa kanyang siyam na puntos.
Bagama’t muling sumiklab ang rookie sensation ng Adamson na si Shaina Nitura na nagpakawala ng 35 puntos — ang kanyang ikaanim na 30-point game ngayong season — kinapos pa rin ang Lady Falcons matapos silang limitahan ng La Salle sa huling dalawang set.
Nagsimula ang fifth set sa matinding opensa ng Lady Spikers, nanalo sa 11 sa unang 14 rallies, kabilang ang off-the-block hit ni Reterta at ace mula kay Provido. Sa huli, sinara nina Canino, Reterta, at Lilay del Castillo ang laban upang kunin ang panalo at ang kanilang ika-siyam na panalo sa 13 laro.
Pantay na ngayon ang rekord ng La Salle sa University of Santo Tomas (9-4), ngunit nasa ikatlong pwesto ang Lady Spikers dahil sa mas mababang set ratio kumpara sa Tigresses na nasa ikalawa. (GP)