Home NATIONWIDE Mga kandidato sa 2025 polls ‘di dapat kasama sa distribusyon, bentahan ng...

Mga kandidato sa 2025 polls ‘di dapat kasama sa distribusyon, bentahan ng P20/kg bigas

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na hindi dapat kasama ang mga kandidato para sa 2025 elections sa gagawing distribusyon at pagbebenta ng Department of Agricuture at National Food Authority (NFA) katuwang ang Local Government Units (LGus) sa bigas sa halagang P20 kada kilo.

Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na dapat ay hindi makita sa tarpaulin ang mukha ng sinumang kandidato.

“Dapat po, hindi po sila involved, dapat nga po ang kanilang mga mukha ay hindi makikita sa mga tarpaulin patungkol po dito. Ang pagbebenta po ng bigas sa halagang P20 kada kilo ay para po sa taumbayan, hindi po para sa mga kandidato,” aniya pa rin.

Ani Castro, bagama’t wala namang direktiba ang Pangulo sa bagay na ito ay kumpiyansa si Castro na makikita ng Commission on Elections (Comelec) kung magagamit ng mga LGUs sa pamumulitika itong pagbebenta ng murang bigas bilang election season ngayon at ang pangamba na baka may ilang mga kandidato sa lokal na pamahalaan ang samantalahin iyong pagbebenta ng murang bigas.

“Makikita naman po ng COMELEC ito kung ito po ay sa pamamagitan lang o ang reason po dito ay pamumulitika o dahil lamang sa pangangampanya. So, hayaan na lang po natin ang COMELEC na siya po ang magsuri kung ito ay ginagamit sa pamumulitika at pangangampanya,” ang sinabi ni Castro. Kris Jose