
Marikina City — Umani ng samu’t saring reaksyon ang Facebook post ni dating Commission on Audit (COA) Commissioner at ngayo’y senatorial aspirant na si Heidi Mendoza matapos niyang ipahayag ang suporta para kay Marikina City 2nd District Representative Stella Quimbo.
Sa kanyang post, binigyang-diin ni Mendoza na bagamat hindi siya lubusang sumasang-ayon sa lahat ng posisyon ni Quimbo sa mga isyung pambansa, handa siyang magbukas ng isip at puso alang-alang sa kapakanan ng lungsod ng Marikina.
“Hindi naman pwedeng hindi buksan ang puso at isipan dahil magkaiba kayo minsan sa ilang pinaniniwalaan,” ani Mendoza. “Why can’t Marikina have the best of its leaders serve? Bakit nga ba?”
Inilahad ni Mendoza na pareho niyang iginagalang sina Mayor Marcy Teodoro at Rep. Stella Quimbo dahil sa kani-kanilang ambag sa lungsod—si Teodoro sa panahon ng pandemya, at si Quimbo sa larangan ng lehislatura at ekonomiya.
Gayunpaman, ilang netizens mula sa Marikina ang nagpahayag ng pagkabigla sa tila pagbabagong-tono ni Mendoza, na minsang naging kritikal sa pambansang badyet kung saan may bahagi si Quimbo bilang vice chair ng House Committee on Appropriations.
Una nang tinawag ni Mendoza ang 2025 budget bilang “pinakasinalaulang budget” sa kanyang 30 taong karanasan bilang auditor.
Ilang residente rin ang nagpahayag ng pagkabahala kaugnay sa mga usaping bumabalot sa paggamit ng confidential funds. RNT