MATAGUMPAY na sinimulan ng Barangay Ginebra ang kampanya nito sa PBA Season 49 Philippine Cup matapos nitong dominahin ang Terrafirma Dyip, 101-80, sa pagbubukas ng kanilang laban nitong Miyerkules sa Araneta Coliseum.
Bumida si Japeth Aguilar sa panalo ng Gin Kings nang magtala ng 30 puntos, pitong rebounds, apat na blocks, at dalawang assists, habang kumamada ng mataas na shooting efficiency na 12-of-15 mula sa field. Malapit na niyang maabot ang kanyang season-high na 31 puntos at career-high na 32.
Nagpakitang-gilas din si RJ Abarrientos na may 14 puntos at pitong assists, habang si Scottie Thompson ay nagtala ng double-double na 11 puntos at 13 rebounds, kalakip ang pitong assists. Nag-ambag rin si Stephen Holt ng 10 puntos para sa Ginebra.
Sa panig ng Terrafirma, si CJ Catapusan ang nanguna sa opensa na may 14 puntos at dalawang steals, habang si Mark Nonoy ay nagpakitang-gilas din sa kanyang 13 puntos at tatlong steals.
Susunod na makakaharap ng Ginebra ang powerhouse team na San Miguel Beermen ngayong Biyernes, Abril 25, habang ang Terrafirma naman ay muling sasabak sa laban kontra Magnolia Hotshots sa Mayo 4.(GP