MANILA, Philippines – Arestado ang isang 22-anyos na lalaki sa umano’y pagbebenta ng pekeng medical certificate sa Pasay City at paggamit sa pagkakakilanlan ng isang doktor.
Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, nagbebenta ang suspek na si alyas “Jay” ng pekeng medical certificates sa social media sa halagang P200.
Siya na rin mismo umano ang naghahatid nito sa mga parokyano kapag meet-up ang transaksyon.
Dagdag pa, natuklasan din ng pulisya na kasintahan ng suspek ang pamangkin ng doktor na nakasulat sa pekeng medical certificate.
“Online nag-iissue ng medical certificate… Sealed ito at signed niya rin ang mga dokumentong ito… Itong mga binibigyan niya o ini-issuehan niya ng medical certificate ay hindi talagang nakapunta doon sa mismong clinic para mag-undergo ng laboratory or any examination,” pahayag ni PLt. Wallen Arancillo, tagapagsalita ng Philippine National Police-Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG).
Tinitingnan ang anggulong “inside job” dahil kilala ng suspek ang doktor na biktima.
“Inaalam pa natin kung paano siya nagkaroon ng medical certificate. Yung mismong pangalan ng mga biktima niya ay handwritten so sinusulat lang niya ang pangalan… Nakita din natin na connected sa personnel o staff ng doktor ang suspek,” dagdag ng pulisya.
“Tingnan natin ang personnel natin para maiwasan natin mabiktima ng ganitong klaseng scam.”
Nasa kustodiya na ng Pasay police ang suspek na nahaharap sa mga reklamong paglabag sa Revised Penal Code o False Medical Certificates and False Certificates of Merits or Service, Cybercrime Prevention Act, at Computer-related Identity Theft. RNT/JGC