Home METRO “Two balikbayan boxes” na mga report ng PrimeWater susuriin ng Malacañang

“Two balikbayan boxes” na mga report ng PrimeWater susuriin ng Malacañang

MANILA, Philippines — Nakatakdang suriin ng Office of the President (OP) ang dalawang malalaking kahon ng mga report at ebidensya mula sa imbestigasyon ng Local Water Utilities Administration (LWUA) sa mga reklamo laban sa mga serbisyo ng PrimeWater, sinabi ng Malacañang nitong Martes.

Naunang isinaad ng LWUA na sila ay “no choice but to act forthwith” at imbistigahan ang utility company na pagmamay-ari ng mga Villar matapos itong makatanggap ng samu’t saring reklamo sa pamamagitan ng Office of the President’s Citizens’ Complaint Center Hotline 8888.

“Nakatanggap na rin tayo ng kopya, isang folder po siya ang report at dalawang boxes na balikbayan boxes,” ani Communications Undersecretary Claire Castro sa isang Palace press briefing.

“Ito po ay aaralin at asahan ninyo na mabilis itong aaralin para sa consumers ng PrimeWater,” ayon pa sa kaniya.

Hindi nagbigay ng timeline si Castro kung kailan matatapos ang pagsusuri ng Palasyo, ngunit sinabing gagawa ng kaukulang legal na aksyon ukol dito.

“Definitely gagawa tayo ng legal na aksyon. Aksyon na naaayon sa batas, walang masasagasaan pero dapat para sa taong bayan,” dagdag niya. RNT/MND