MANILA, Philippines – Sinimulan na ng binuong Quinta committee ng Kamara ang kanilang imbestigasyon hinggil sa pagtaas ng presyo ng pagkain gayundin ang talamak na smuggling.
Ang Murang Pagkain Supercommittee—na itinatag sa ilalim ng House Resolution (HR) No. 254 ay binubuo ng House Ways and Means Committee, Trade and Industry, Agriculture and Food, Social Services, at ng Special Committee on Food Security.
Sa pagbubukas ng pagdinig binigyan diin ni Albay Rep. Joey Sarte Salceda, chairman ng House Ways and Means Committee at lead chair ng supercommittee ang mahalagang papel ng gagawing imbestigasyon.
“The House of Representatives under the leadership of House Speaker Martin Romualdez has mandated to address smuggling and price manipulation of basic goods and essential commodities with the end of achieving zero hunger and promoting food security, along with social protection,” ayon kay Salceda.
Ipinunto ni Quezon Rep. Mark Enverga, pinuno ng Committee on Agriculture and Food, ang kahalagahan ng mga bagong lehislatibong hakbang upang labanan ang mga pang-aabuso sa sektor ng agrikultura.
“Just last September 26 of this year, the President signed Republic Act No. 12022 or the Anti-Agricultural Economic Sabotage Act, which seeks to eliminate rampant agricultural smuggling, hoarding, profiteering, cartelizing, and other acts of market abuse,” saad ni Enverga.
Ani Vergara, dapat amyendahan ang Rice Tariffication Law upang palakasin ang kakayahan ng Department of Agriculture na ayusin ang presyo ng bigas at kontrolin ang suplay nito.
“Addressing these unfair business practices would lead us to a food- and nutrition-secure nation and, eventually, help mitigate hunger, which is the ultimate goal of the Honorable Speaker Martin Romualdez,” paliwanag ni Enverga.
Ipinahayag naman ni Nueva Vizcaya Rep. Luisa Lloren Cuaresma, lider ng Special Committee on Food Security, na ang seguridad sa pagkain ay isang pangunahing karapatang pantao.
Ipinakita rin ng supercommittee ang mga datos na naglalarawan ng mga hamon na kinakaharap ng mga Pilipino sa pagkakaroon ng abot-kayang pagkain.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, ang pagkain ang pinakamalaking bahagi ng gastusin ng bawat pamilya, at ang bigas ang pangunahing dahilan sa pagtaas ng mga gastusin.
Binigyang-diin ni Salceda ang matinding epekto ng mataas na presyo ng pagkain sa mga pinaka-mahihirap na sektor ng populasyon.
Bibigyang-tuon sa imbestigasyon ang paglikha ng mga polisiya upang mapanatili ang presyo ng pagkain, masawata ang smuggling, at maitaas ang kabuhayan lalo na sa agricultural sector. Gail Mendoza