MANILA, Philippines – Bukod sa 10 kilo ng de-kalidad na bigas, libu-libong residente ng Muntinlupa ang umuwi mula sa City Sports Center nitong Miyerkules dala ang bagong pag-asa matapos makausap si Unang Ginang Louise Araneta-Marcos at maibahagi ang kanilang mga kuwento, hinaing at hiling sa national government.
Sa ilalim ng socio-civic initiative ng Unang Ginang na “Mula sa Puso Para sa Pamilya,” humigit-kumulang 3,000 benepisyaryo ang tumanggap ng libre at de-kalidad na bigas sa ikalawang bugso ng programa sa lungsod, kasunod ng unang pamamahagi noong Mayo 6 na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa pagdating ng Unang Ginang sa Muntinlupa Sports Center, sinabi niyang may dala siyang simpleng mensahe mula sa Pangulo.
“Pinadala po ako ng asawa ko para, unang-una, kumustahin kayo. At sabi niya, yung kanin daw, pinapasabi niya: ‘Even though we cannot eradicate poverty 100%, at least itong konting biyaya, sa susunod na araw, makakatulong.’ Alam nyo, hindi ako politiko katulad ng Mayor ninyo, kaya mag-distribute na lang tayo,”ayon sa Unang Ginang.
Ang mga benepisyaryo ay mula sa iba’t ibang sektor ng lungsod, kabilang ang 600 kababaihan at mga bata sa ilalim ng Gender and Development (GAD) Office; 200 senior citizens at solo parents na tinutulungan ng Social Services Department; 1,215 miyembro ng Urban Poor Affairs Office; at 1,261 benepisyaryo mula sa ESC-Kabalikat at mga samahan ng mga mangingisda sa lungsod.
Para sa maraming tumanggap ng ayuda, higit pa sa isang government distribution program ang naging kahulugan ng aktibidad. Naging pagkakataon din ito upang direktang maipahayag sa mga pambansang lider ang kanilang mga hinaing at mga hangarin.
Tinanggap ng 40-anyos na si Perlie Garcia ang bigas para sa kanyang 68-anyos na amang si Edgardo Garcia, na may karamdaman.
Bilang isang on-call weekend housekeeper sa isang shopping mall, sinabi ni Garcia na nagpapasalamat ang kanilang pamilya dahil personal na bumisita sa kanilang komunidad sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ang Unang Ginang.
“Nagpapasalamat kami sa ating pamahalaan sa kanilang suporta sa amin. Nao-overwhelm kami na nakarating sa lugar namin sina Pangulong Marcos at Unang Ginang at makita sila ng mga tao,” wika ni Garcia.
Umaasa rin si Garcia na magpapatuloy ang pamamahagi ng bigas habang nananawagan ng karagdagang suporta ng pamahalaan para sa mga dating overseas Filipino workers. Ang kanyang ama ay nagtrabaho bilang tubero sa Middle East mula 1992 hanggang 2012 ngunit, ayon kay Garcia, hindi pa nito natatanggap ang mga benepisyong para sa mga retiradong OFW.
Sinabi naman ni Gender and Development Office staff member Lovely Anne E. Palting na malaking ginhawa ang rice distribution sa mga mahihinang sektor na nahihirapan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
“Malaking tulong ito lalo na sa nutrisyon ng mga pamilya. Ngunit kailangan din ng mas malawak na awareness, at mahalaga ang 7K approach ng ating city government,” ayon kay Palting.
Ang 7K development agenda ng lungsod, na inilunsad ni Muntinlupa City Mayor Ruffy Biazon, ay nakatuon sa kabuhayan, kalusugan, karunungan, kaunlaran, kalikasan, katarungan, at kapayapaan at kaayusan.
Nagpasalamat naman si Mayor Biazon sa muling pagbisita ng Unang Ginang sa Muntinlupa matapos personal na pangunahan ni Pangulong Marcos ang unang pamamahagi ng programa noong Mayo.
“Kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagbisita dito sa Muntinlupa. Hindi lang po si Madam Louise ang bumisita sa atin kundi maging ang ating Pangulo noong unang pamamahagi ng bigas. Ibig sabihin, espesyal ang Muntinlupa at nagpapasalamat kami sa mga biyayang hatid ng National Government,” ayon kay Biazon.
Binigyang-diin din ng alkalde ang direktang suportang ipinagkakaloob ng national government sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF), na aniya ay kauna-unahan sa kanyang mga taon sa serbisyo publiko.
“Sa unang pagkakataon, naging kongresista man ako ng limang termino at ngayon ay nasa ikalawang termino bilang alkalde, direktang ibinaba ang Local Government Support Fund sa mga local government units, ” ani Biazon.
Dumalo rin sa programa si San Juan Mayor Francis Zamora, National President ng League of Cities of the Philippines, na ang asawa ay tubong Muntinlupa.
Binigyang-diin ni Zamora ang kahalagahan ng LGSF sa pagtulong sa mga lokal na pamahalaan na maipatupad ang mga programang direktang nakikinabang ang kanilang mga komunidad.
Bilang dagdag sa masayang programa, lumahok din ang mga benepisyaryo sa isang raffle kung saan namigay ng mga premyo tulad ng karagdagang sako ng bigas, rice cooker, digital television boxes, grocery packages, at isang Google television set. (KRIS JOSE)