PORMAL ng sinimulan ang agawan sa unang gintong medalya ng aabot sa 870 na differently-abled athletes sa mga unang event na athletics at swimming ngayong umaga sa pagbabalik, matapos ang limang taon na pagpapahinga, ng 8th Philippine National Para Games na nagbukas noong Linggo ng hapon sa Ninoy Aquino Stadium.
Ikinatuwa naman ni Philippine Sports Commission Chairman Richard Bachmann at Philspada-National Paralympic Committee Philippines president Michael Barredo na ang kabuuang bilang ng mga lalahok na atleta na mula sa 60 local government units, ang pinakamalaking bilang na lumahok sa kada taong torneo.
Pinasaya din ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang mga differently-abled athletes sa pagpapahayag ng kanyang buong suporta at pagnanais na makagawa ng mga batas na mas lalong makakatulong sa lahat ng mga Pilipinong may kapansanan.
“Ipagpapatuloy po natin, kahit na mayroon na tayong mga batas na makakatulong sa inyong lahat, na gumawa pa ng mga dagdag na batas para mas mapaunlad pa natin kayong lahat na mga atleta,” sabi ni Go, na isang masugid na taga-suporta ng sports.
Samantala’y sisimulan namang paglabanan ang siyam na sports na binubuo ng archery, athletics, badminton, boccia (precision ball sport), chess, powerlifting, swimming, table tennis at wheelchair basketball.
Huling ginanap ang PNPG noong 2019 sa Malolos, Bulacan bago ito naantala dahil sa Covid-19. Muli itong binuhay ng Philippine Sports Commission sa tanging hangarin na magbigay ng mga kumpetisyon para sa magkakaibang mga atleta na naisagawa nito ang ikawalong edisyon ng kompetisyon.