Kailangan ang CREATE MORE upang mas lalong sumigla ang ekonomiya sa inaasahang pagpasok ng dayuhang pamuhunan na may malaking epekto sa kaunlaran ng bansa, ayon kay Senador Sherwin Gatchalian.
“Kasabay ng mas maraming foreign direct investment na inaasahang papasok dahil sa CREATE MORE, mas maraming Pilipino ang magkakaroon ng mas magandang oportunidad sa trabaho na magpapalakas sa domestic consumption, isa sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng lokal na ekonomiya,” ayon kay Gatchalian, chair ng Senate Committee on Ways and Means at pangunahing may-akda at sponsor ng batas.
Ang pahayag ni Gatchalian ay kasunod ng paglagda ng Pangulo sa Republic Act ___, na nag-aamyenda sa ilang probisyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act.
Ayon kay Gatchalian, ang mas maraming insentibo sa ilalim ng CREATE MORE ay inaasahang magpapalakas sa competitiveness ng bansa sa pag-akit ng mga dayuhang mamumuhunan.
Ipinaliwanag niya na ang CREATE MORE ay naglalayong magbigay ng kalinawan sa aplikasyon ng VAT zero-rating sa mga local purchases at VAT exemption sa pag-import ng mga produkto at serbisyo.
Nakasaad din sa batas na ang VAT zero-rating at exemption ay ilalapat na ngayon sa mga produkto at serbisyo na malinaw na may kaugnayan sa nakarehistrong proyekto o aktibidad.
Kabilang dito ang mahahalagang serbisyo tulad ng janitorial, seguridad, pananalapi, consultancy, marketing, at maging ang mga administratibong function tulad ng human resources, legal, at accounting services.
Bukod dyan, ang batas ay nagpapakilala din ng isang nakapirming 2% Registered Business Enterprise Local Tax, o RBELT, batay sa kabuuang kita upang pasimplehin ang proseso ng pagbubuwis para sa mga negosyo.
“Kapag ang mga negosyong nahihikayat natin na mamuhunan sa ating bansa ay yumayabong, nagreresulta ito sa mas magandang kalidad ng buhay, mas abot-kayang halaga ng pamumuhay, at mas maayos na imprastraktura para sa lahat ng Pilipino,” aniya.
“Sa pamamagitan ng CREATE MORE, ang mga proyekto at aktibidad na may malaking pakinabang sa ating bansa — tulad ng mga food security-related activities, green ecosystems, health-related activities, at defense-related activities — ay mabibigyan ng suporta at insentibo,” ani Gatchalian.
“Kapag ang mga sektor na ito ay umunlad, tiyak na magbubunga ito ng mga positibong pagbabago sa ating mga komunidad. Mula sa pagbaba ng presyo ng mga produkto hanggang sa paglikha ng mas maraming trabaho para sa ating mga kababayan, makikita natin ang positibong epekto ng CREATE MORE sa ating pang-araw-araw na buhay,” dagdag niya. Ernie Reyes