Home HOME BANNER STORY Unang human case ng H5N2 bird flu namatay sa iba pang dahilan...

Unang human case ng H5N2 bird flu namatay sa iba pang dahilan – WHO

MANILA, Philippines – Namatay mula sa iba pang dahilan ang lalaking tinamaan ng H5N2 bird flu, o ang kauna-unahang kumpirmadong kaso sa tao ng naturang strain.

Nitong Miyerkules, Hunyo 6, inanunsyo ng World Health Organization na iniulat ang kauna-unahang laboratory confirmed human case ng infection sa H5N2 avian influenza virus mula Mexico.

Ayon sa health ministry ng Mexico, ang 59-anyos na lalaki ay may “history of chronic kidney disease, type 2 diabetes (and) long-standing systemic arterial hypertension.”

Nakaratay na ito sa kama sa loob ng tatlong linggo bago pa ang pagkakaroon ng acute symptoms, pagkakaroon ng lagnat, hirap sa paghinga, diarrhea, nausea at general malaise noong Abril 17.

Dinala sa ospital sa Mexico City ang lalaki noong Abril 24 at namatay nang araw ding iyon.

“The death is a multi-factorial death, not a death attributable to H5N2,” pagbabahagi ni WHO spokesman Christian Lindmeier sa mga mamamahayag nitong Biyernes.

“The patient came to the hospital after weeks of multi-factorial background of multi other diseases,” dagdag ni Lindmeier.

Samantala, tukoy na ang 17 contacts ng biktima na lahat ay nagnegatibo sa influenza.

“Investigations are ongoing. Serology is ongoing. That means the blood testing of contacts to see if there was any possible earlier infection,” ani Lindmeier.

“The infection of H5N2 is being investigated to see whether he was infected by somebody visiting or by any contact with any animals before.”

Sa ngayon ay hindi pa tukoy ang pinagmulan ng exposure ng lalaki sa virus, bagama’t naitala ang mga kaso ng H5N2 virus sa mga poultry sa Mexico.

Batay sa datos, sinabi ng United Nations’ health agency na mababa ang kasalukuyang risk ng naturang virus sa publiko. RNT/JGC