
Sa Pilipinas, kadalasang pinepeke ang gamot sa high blood, cholesterol, antibiotics at sildenafil (gamot sa impotence).
Ang mga pekeng gamot ay puwedeng makamatay at makapagpapalala ng karamdaman dahil sa mga sangkap nito.
Mabuti sana kung gawgaw lang ang laman nito ngunit papaano kung may lason pa?
Hindi pareho ang lalagyan ng pekeng gamot sa orihinal na gamot.
Puwede mong tingnan ang hitsura ng orihinal na pakete ng gamot.
Mababa ang kalidad ng tableta. Suriin kung madaling madurog, nagdikit-dikit at mamasa-masa ang tableta.
Sa mga syrup, suspension at injections, silipin kung may naninigas o namumuo sa loob ng bote o vial.
Naglabas ng advisory ang FDA o ang Food and Drug Administration kaugnay sa pagbili at paggamit ng anim na branded drugs na ginawan ng counterfeit versions, kabilang ang –
– Kremil-S (Aluminum Hydroxide + Magnesium Hydroxide + Simethicone)
– Alaxan FR (Ibuprofen + Paracetamol)
– Biogesic (Paracetamol)
– Medicol Advance (Ibuprofen)
– Bioflu (Phenylephrine Hydrochloride + Chlorpheniramine Maleate + Paracetamol)
– Tuseran Forte (Dextromethorphan Hydrobromide + Phenylpropanolamine + Hydrochloride + Paracetamol)
Napag-alaman ng FDA na may mga nagbebenta ng mga pinekeng gamot na ito sa merkado kaya pinapayuhan ang publiko na bumili lamang sa mga mapagkakatiwalaang parmasiya na may kaukulang permiso mula sa ahensiya.
Makasasama sa kalusugan ang pag-inom ng mga pekeng gamot lalo pa’t hindi ito dumaan sa pagsusuri ng FDA.
Madali naman umanong malaman ang peke sa orihinal sa pamamagitan pa lamang ng itsura ng pakete ng gamot na kadalasang mapusyaw kaysa sa orihinal, at hindi dapat inilalako na bagsak ang presyo.
Nagbigay babala ang FDA sa mga indibidwal at establisimyento na mahuhuling nagbebenta ng mga nabanggit na pinekeng gamot, papanagutin sila alinsunod sa Republic Act No. 9711 o ang FDA Act of 2009 at sa R.A. No. 8203 o ang special law on counterfeit drugs.