MANILA, Philippines – Sa botong 22-10 ay isinantabi ng House Committee on Justice ang unang impeachment complaint na inihain laban kay Vice President Sara Duterte dahil lumabag ito sa one year ban sa paghahain ng reklamo.
Ang unang reklamo na inendorso sa Kamara ng Makabayan Bloc ay inihain noong Pebrero 2, 2026, ito ay hindi pa pasok sa itinakda ng Korte Suprema na reference date na Pebrero 6, 2026.
Sa ilalim ng Section 3(5), Article XI ng 1987 Constitution, walang impeachment complaint na maaaring maihain sa loob ng isang taon matapos ang unang impeachment, sa deliberasyon ng komite lumitaw na pasok sa 1 year bar rule ang unang reklamo.
“With 22 votes in the affirmative and 10 votes in the negative, with zero abstention, the Chair sets aside the first impeachment complaint, the Castro et al impeachment complaint, on the ground of violation of one-year prohibition period. So ruled,” pahayag ni Luistro.
Ang unang impeachment ay isinantabi habang ang ikalawang reklamo ay binawi.
Sa ngayon ay dalawa na lamang ang reklamo laban kay VP Duterte na uusad at idedetermina ng komite kung “sufficient in substance”
Ideneklara ng komite ang ikatlo at ikaapat na impeachment complaint na sufficient in form.
Ang ikatlong impeachment laban kay Duterte ay inihain ng grupo ng mga pari, madre at mga abogado, ito ay inendorso ni ML Partylist Rep. Leila de Lima, ang alegasyon ay patungkol sa illegal na paggasta ng ₱612 million confidential funds, korapsyon sa Department of Education at akusasyon ng assassination kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez.
Ang ikaapat na reklamo ay inihain naman ni Atty Nathaniel Cabrera at inendorso nina Deputy Speaker Francisco Paolo Ortega at Manila Rep. Bienvenido Abante Jr, ang alegasyon ay nakasentro sa unexplained wealth at hindi pagdedeklara ng tamas a Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth.
Itutuloy ng komite ang deliberasyon sa Martes, Marso 3, ganap na alas 10:00 ng umaga na idaraos sa People’s Center sa House of Representatives. Gail Mendoza