Home OPINION UNDERGROUND CARPARK MALAKING SEMENTERYO

UNDERGROUND CARPARK MALAKING SEMENTERYO

NGAYONG hindi na mapigilan ang matitinding pagbaha kapag may bagyo at siyam-siyam na ulan, dapat humango tayo ng leksyon mula sa karanasan ng Espanya ngayon.

Habang tinitipa ito, dinidiskubre pa ng mga scuba diver ang mga underground parking ng Bonaire Shopping Center na nakatayo malapit lamang sa Valencia na sinalanta ng bagyo at baha.

Nangangamba ang mga awtoridad na maaaring marami ang na-trap sa mga underground park ng higanteng shopping mall na may sukat na nasa 70 ektaraya nang magmadali ang mga tsuper o may-ari ng mga sasakyan na ilabas at isalba ang mga ito mula sa rumaragasang baha.

Sa paglabas ng sulating ito, mga Bro, sana naman, hindi maganap ang kinatatakutang pangyayari ng mga awtoridad

 ‘Yun bang === maraming bangkay ang matatagpuan sa mga loob ng mga sasakyan o iba pang lugar ng parking area.

Isang tanong ang isang dapat pang masagot.

Mayroon din bang mga underground parking sa iba pang mga establisimyento na may kahalintulad na kalagayan?

2,000 MISSING

Ngayon lumitaw ang pagkakaroon ng nasa 2,000 missing sa pangyayari.

Naganap ang kahindik-hindik na pagkalunod ng mahigit 200 katao sa unang mga araw ng baha.

Habang naghahanap ang nasa 15,000 sundalo, civil guard at pulis sa mga missing at bangkay sa kung saan-saan, kahit ngayong nagpapatuloy ang ulan na lumilikha ng tuloy-tuloy na baha, araw-araw namang nadaragdagan ang mga bangkay.

May mga bangkay na natatagpuan sa loob ng mga sasakyan, sa mga putik, sa mga ilog at tabing dagat.

Gaano karami kaya ang matatagpuang buhay mula sa nasa 2,000 missing?

Sana naman, mga Bro, matatagpuan sila lahat na buhay.

At dahil may nasa 300 Pinoy sa lugar, dapat malaman natin kung may nadamay sa mga ito sa kalamidd.

MAGSURI, MAGBABALA ANG GOBYERNO

Tiyak na may mga gusali o establisimyento sa Pinas na may mga underground parking.

Dapat malaman ng mga may sasakyan kung ano-ano o saan-saan ang mga ito o sila mismo ang nakatira o may pwesto sa mga estabilisimyentong ito.

Dapat malaman ng mga nagpa-park sa mga underground kung bahain ang lugar at kung ganoon, delikado para sa mga sasakyan at sa mga laman nitong tao at kalakal kung may malakas na bagyo, ulan at baha sa lugar.

Paano rin ang mga riles ng tren, gaya ng ginagawang underground na tren mula sa Quezon City hanggang sa Ninoy Aquino International Airport?

Hindi dapat makipagsapalaran ang mga mamamayan sa ganitong mga lugar.

Dapat may pagsusuri mismo ang pamahalaan at magbigay ito ng tamang impormasyon at babala sa mga nagnanais na mag-park sa ganitong klaseng mga lugar.

Kung mabigo ang mga awtoridad sa usaping ito, dapat managot ito sila sa mga magiging biktima.