NEGROS OCCIDENTAL — Nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang 3rd Infantry Division-PA hinggil sa pagkamatay ni Jhon Isidor Supelanas, isang transgender activist at alumni ng University of the Philippines-Cebu, na kabilang sa pitong NPA (New People’s Army) na napatay kamakailan sa Kabankalan City.
Ayon kay Col. Erwin Rommel Lamzon, tagapagsalita ng 3rd Infantry Division, sisiyasatin nila ang eksaktong address ni Supelanas, na kilala rin sa alyas na Dee Supelanas at Dalia, at isang political instructor ng nabuwag na South West Front ng NPA. Iimbestigahan din nila kung bakit nandoon si Supelanas sa lugar ng engkwentro.
Base sa datos ng Tug-ani, ang opisyal na publikasyon ng UP-Cebu, si Supelanas ay nagtapos sa kursong Bachelor of Arts in Communication at naging aktibong student leader. Siya ay nakipaglaban para sa mga isyu ng edukasyon, basic social services, good governance, demokratikong karapatan, anti-fascism, at laban sa tyranny. Naging bahagi rin siya ng Anakbayan-UP Cebu at nagsilbi bilang chairperson ng UP Cebu University Student Council. Noong 2021, siya rin ang naging tagapagsalita ng Kabataan party-list Cebu.
Dagdag pa ni Lamzon, isang magsasaka ang nasugatan sa engkwentro dahil ginamit itong “human shield” ng mga rebeldeng NPA matapos nilang matrap sa isang farmhouse sa Barangay Tapi, Kabankalan City. Agad dinala sa ospital ang magsasaka at isinailalim sa minor operation matapos tamaan ng bala sa mukha.
Tinulungan na rin ng mga sundalo ang mga magsasaka na iniwan ng mga rebeldeng NPA sa nasabing lugar. Mary Anne Sapico