MANILA, Philippines – Napanatili ng Pilipinas ang investment-grade credit rating mula sa London-based Fitch Ratings dahil sa inaasahang strong medium-term growth sa kabila ng ilang structural weaknesses.
Sa isang kalatas, sinabi ng Fitch Ratings na pinagtibay nito ang long-term foreign-currency issuer default rating ng Pilipinas sa ‘BBB’ na may “stable” outlook.
Ayon sa Fitch, naka-angkla ang rating sa robust medium-term economic expansion ng Pilipinas, na inaasahang magpapadali sa unti-unting pagbaba ng debt-to-GDP ratio ng gobyerno, at sa malaking sukat ng ekonomiya nito kumpara sa ibang bansa na may kaparehong ‘BBB’ rating.
Inaasahan ng Fitch na lalago ang Philippine economy ng 5.6% ngayong 2025, bunsod ng public infrastructure investments, services exports, at private consumption na suportado ng remittances.
Binanggit din ng Fitch Ratings na dapat palakasin ang private demand upang mapagaan ang epekto ng inflation at mataas na interest rates.
Gayunpaman, binalaan ng ahensiya na maaaring maapektuhan ang investments dahil sa domestic political uncertainty, habang ang global trade tensions ay posibleng magdulot ng pagbaba ng demand sa pandaigdigang merkado.
Idinagdag ng Fitch na ang Pilipinas ay may limitadong direct exposure sa global trade tensions, dahil ang exports ng bansa ay bumubuo lamang ng 12% ng gross domestic product (GDP) noong 2024.
Karamihan sa mga ini-export ng bansa ay electronics at machinery, kung saan mahigit 16% nito ay nakalaan para sa merkado ng Estados Unidos.
Ipinunto rin ng Fitch na kung magpapatuloy ang reciprocal tariffs na inanunsyo ng Estados Unidos ngayong buwan, maaaring magkaroon ng competitive advantage ang Pilipinas dahil sa low applicable tariff rate na 17%, kumpara sa mga regional competitors.
Ayon sa ahensya, maaaring makinabang ang terms of trade ng Pilipinas mula sa mas mababang commodity prices at posibleng diversion ng Chinese exports.
Samantala, umaasa ang Fitch na ang tunay na GDP growth ng bansa ay lalago ng mahigit 6% sa medium term, higit na mas mataas kumpara sa inaasahang BBB median at sa growth trajectory ng Pilipinas noong nakaraang dekada bago ang COVID-19 pandemic. Kris Jose