Home NATIONWIDE UP prof hinamon ni Chiz na maglatag ng ebidensiya vs Chinese students...

UP prof hinamon ni Chiz na maglatag ng ebidensiya vs Chinese students sa Cagayan

MANILA, Philippines – Hinamon ni Senador Chiz Escudero ang isang professor ng University of the Philippines (UP) na maglatag ng ebidensiya hinggil sa pagdami ng Chinese students sa lalawigan ng Cagayan na may ilang kumikilos bilang espiya ng China.

Hindi direktang binanggit ni Escudero ang pangalan ni Dr. Chester Cabalza, isang propesor sa University of the Philippines at founding president ng think tank International Development and Security Cooperation, ngunit siya ang nagbulgar ng isyu.

Sa pahayag, sinabi ni Escudero na lubha nang lumalakas ang pag-aalala sa isyu na lumobo ang bilang ng estudyanteng Tsino sa Cagayan region, kaya’t kailangan nang maglatag ng ebidensiya ang Bureau of Immigration (BI) hinggil sa isyu.

Aniya, layunin nito na palakasin ang pagsusuri at paglalatag ng ebidensiya hinggil sa alegasyon na marami sa naturang Chinese students ang nagsisilbing espiya ng Beijing sa Pilipinas.

Iginiit ni Escudero, isang abogado, na hangga’t hindi napatutunayan ang akusasyon laban sa Chinese nationals, mananatili itong walang kuwenta o baseless, unfair at hindi dapat maging sanhi ng pagka-alarma kahit sa gitna ng umiinit na sigalot sa pagitan ng China na nag-aangkin at nanghihimasok sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

“Sa ngayon ay wala pa tayong dapat ipangamba maliban na lamang kung may sapat na katibayan o ebidensya,” ayon kay Escudero.

Dagdag pa niya: “Pero kung ang mga basehan lamang ay dahil may base ang Tsina sa West Philippine Sea (WPS), na may isyu tayo ngayon sa kanila kaya malamang espiya ang mga estudyanteng Chinese nationals sa Cagayan kaya dapat ipagbawalang ang mga iyan, hindi naman siguro dapat ganun.”

Aniya, dapat unahing iimbitahan ang BI sa isasagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa isyu.

“The BI officials’ role would be to shed light on the matter and ascertain whether any lapses have occurred in fulfilling their responsibilities,” ayon sa senador.

“Ang uunahin dapat nating ipatatawag ay ang Immigration. Bakit nila pinapasok kung talagang walang patunay na ang mga Chinese na iyan ay mag aaaral dito at nag-apply na lamang (ng student visa) nang dumating na sa bansa?” tanong pa ni Escudero.

“Kung talagang may duda na mga espiya ang mga iyan ay bakit hindi ginawa ng Bureau of Immigration ang kanilang trabaho? Katulad lamang iyan ng naging problema sa POGO. Reklamo sila ng reklamo dahil ang dami raw Chinese sa POGO. Ang tanong ko, paano ba iyan nakapasok dito? Bakit pinayagan ng BI at sino ba ang kumita d’yan kung saka-sakali” giit pa ni Escudero na tumutukoy sa Philippine Offshore Gaming Operators. Ernie Reyes