MANILA, Philippines – Nasa mahigit 2,000 pamilya ang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog sa Parola Compound sa Maynila nitong Sabado ng gabi, Mayo 23.
Ang naturang sunog na nagsimula alas-3 ng hapon ay umabot sa Task Force Charlie at naapula 12:17 ng madaling araw ng Linggo.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad partikular ang Bureau of Fire Protection sa sanhi o pinagmulan ng malaking sunog sa lugar.
Ang mga residente ay nagkanya-kanyang hakot ng kanilang maisasalbang gamit kasama na ang kanilang mga alagang mga hayop na itinuring na nilang kapamilya.
Nasa 1,266 ang kabahayan o istruktura ang tinupok ng apoy ngunit hindi pa batid ang kabuuang halaga ng naging pinsala.
Sa ngayon, wala namang iniulat na nasaktan o nasawi sa sunog na umabot ng siyam na oras dahil pawang mga gawa sa light materials ang mga kabahayang nilamon ng apoy.
Pansamantala namang nanuluyan ang mga nasunogang pamilya sa mga itinalagang evacuation centers habang tinutugunan na ng pamahalaang lungsod ang kanilang mga pangunahing pangangailangan. Jocelyn Tabangcura-Domenden