Home NATIONWIDE US inaasahang maghahain ng extradition request para kay Quiboloy – DOJ

US inaasahang maghahain ng extradition request para kay Quiboloy – DOJ

109
0

MANILA, Philippines – Inaasahan ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla nitong Lunes, Setyembre 9 na posibleng maghain na ang Estados Unidos ng extradition request para kay Kingdom of Jesus Christ (KOJC) leader Apollo Quiboloy.

Ito ay kasunod ng pagkakahuli kay Quiboloy nitong Linggo ng gabi, Setyembre 8 matapos siyang mabigyan ng ultimatum na sumuko na sa loob ng 24 oras.

“We expect the US to file an extradition request very soon since he is already in custody. And remember, we have a treaty with the US and it’s part of the law of the land,” saad ni Remulla sa isang ambush interview.

Noong Nobyembre 2021, matatandaang inindict ng prosekusyon sa US si Quiboloy at iba pa dahil sa sex trafficking at pinagbabantaan pa ang mga batang biktima ng “eternal damnation” at physical abuse.

Nag-isyu ng warrant of arrest ang US court noong Nobyembre 10, 2023.

Ayon kay Remulla, pag-aaralang mabuti ng mga awtoridad ang dapat gawin para rito.

“He should face the music here, especially na pinahirapan niya ‘yung mga pulis na hanapin siya. Ganon din pala, susuko din pala siya or mahuhuli din pala siya. Pinahirapan niya ang ating kapulisan eh, pinahirapan niya ang taong bayan tungkol sa bagay na ito. Dapat talaga dito siya malitis,” aniya.

Aatasan ni Remulla ang prosekusyon para ihanda ang lahat ng ebidensya.

Bukas ng Martes, Setyembre 10 ay inaasahang makikipag-usap si Remulla kay Executive Secretary Lucas Bersamin kaugnay sa posibleng extradition request.

Samantala, ang mga complainant laban kay Quiboloy sa kanyang mga criminal cases dito sa Pilipinas ay maaaring isama sa WPP.

“Syempre, syempre. Special case ‘yan kasi mabigat ang kalaban dito. Mabigat ang kalaban,” sinabi ni Remulla.

Si Quiboloy ay nahaharap sa reklamong paglabag sa ilalim ng Section 5(b) at Section 10(a) ng Republic Act 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.

Nahaharap din ito ng non-bailable qualified human trafficking charge sa ilalim ng Section 4(a) of Republic Act No. 9208. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here