MANILA, Philippines — Nagpahayag ng pagkondena at pagkabahala ang United States, Japan, Australia, Canada at European Union matapos ang insidente sa West Philippine Sea kung saan sinabi ng Philippine Coast Guard (PCG) na binangga ng China Coast Guard vessel ang BRP Datu Magat Salamat ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR).
Mariing kinondena ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton ang insidente, habang sinabi ng Canada, Australia, Japan at EU na nababahala sila sa mapanganib na maniobra at epekto nito sa kaligtasan at katatagan sa rehiyon.
Naganap ang insidente noong Setyembre 18 habang nagsasagawa ang BFAR vessel ng fuel assistance mission para sa mga Pilipinong mangingisda malapit sa Abad Santos o Bombay Shoal, humigit-kumulang 54 nautical miles mula sa Palawan.
Ayon sa PCG, dakong alas-11:04 ng umaga ay dumaan ang CCG-21585 sa likuran ng Philippine vessel sa layong humigit-kumulang 10 metro. Makalipas ang siyam na minuto, inulit umano ng Chinese vessel ang maniobra at nagkaroon ng contact sa BRP Datu Magat Salamat habang nagpapanatili ito ng direksiyon.
Nasira sa insidente ang ilang railings, metal stanchions at support structures ng BFAR vessel at naalis sa puwesto ang ilang kagamitan sa deck. Wala namang naiulat na nasugatan.
Kinondena rin ng Department of Foreign Affairs ang ginawa ng CCG, iginiit na nagsasagawa lamang ang BFAR vessel ng routine at lawful humanitarian activity para suportahan ang mga Pilipinong mangingisda. Nanawagan ang DFA sa China na igalang ang sovereign rights ng Pilipinas sa exclusive economic zone nito at umiwas sa mga hakbang na maaaring magpalala ng tensyon.
Taliwas naman ang bersiyon ng Beijing. Ayon sa Chinese Foreign Ministry at China Coast Guard, ang Philippine vessel umano ang nagsagawa ng mapanganib na maniobra at sadyang bumangga sa Chinese vessel, paratang na taliwas sa salaysay ng PCG. RNT