Home NATIONWIDE Usapin sa paghiwalay ng Sulu sa BARMM tinuldukan na ng SC

Usapin sa paghiwalay ng Sulu sa BARMM tinuldukan na ng SC

Pinal na idineklara ng Korte Suprema na ang lalawigan ng Sulu ay hindi kasama sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.

Ito ay matapos tanggihan ng Korte Suprema ang mga motion for partial reconsideration na inihain ng BARMM government, Office of the Solicitor General, at iba pa.

Layong baligtarin ng mga motion ang Desisyon ng Korte noong Setyembre 9, 2024, na nagbukod sa Lalawigan ng Sulu sa BARMM.

Ayon sa korte, ang desisyon ay final and immediately executory at hindi na nito papansinin ang anumang ihahaing pleading.

Una nang naghain ng mga mosyon ang Bangsamoro Government upang maibalik ang lalawigan ng Sulu sa sakop ng Bangsamoro region.

Isinumite sa SC ng Bangsamoro Attorney General’s Office (BAGO) ang motion for leave to intervene at admit attached motion for partial reconsideration.

Sa motion for leave to intervene, nais ng Bangsamoro Attorney General’s Office na lumahok sa kaso kahit hindi ito orihinal na bahagi ng pagdinig.

Sinabi ni BAGO Officer-in-Charge Atty. Mohammad Al-Amin Julkipli na sa buong panahon na itinagal ng kaso ay hindi naging partido ang Bangsamoro autonomous region.

Magugunita na idineklara kamakailan ng SC na hindi kasama sa BARMM ang lalawigan ng Sulu matapos tutulan ng mga mamamayan doon ang ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law noong 2019.

Hiniling ng Bangsamoro government sa Mataas na Hukuman na irekonsidera nito ang naging desisyun. Teresa Tavares