MANILA, Philippines – PINALAGAN ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro ang sinabi ni Senador Robinhood Padilla na hindi dapat balat-sibuyas ang mga opisyal ng Malakanyang.
Ang buweltang pahayag na ito ni Castro ay matapos sabihin ni Padilla na “Huwag tayong maging balat-sibuyas sa gobyerno. Pinili natin ang trabahong ito, kaya dapat nating tanggapin hindi lamang ang papuri kundi pati ang puna at galit ng ating mga kababayan.”
Kamakalawa, sinagot kasi Castro ang nagba-viral ngayon na video sa social media kung saan kitang-kita na pinaulanan siya ng masasakit na salita. sinigawan at pinagmumura ng mga pinoy sa Vancouver, Canada kung saan kasama siya sa working visit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Hindi po tayo balat-sibuyas. Hindi po tayo umaalma katulad nung ibang ginagawa na tinaasan lang ng boses dahil sa kanyang pagsisingit or pag-interrupt sa pagsasalita ng isang senador ay biglang umalma na at medyo nag-alboroto. ‘Yan po ang totoong balat-sibuyas,” ang sinabi ni Castro na malinaw na ang tinutukoy ay ang pagtataas naman ng boses ng senador sa isang Senate sessions.
Para kay Castro, na habang nananatiling pinahahalagahan ang freedom of expression, ang komprontasyon sa Vancouver ay dumating na sa punto ng pambabastos.
“So, may mga ganyan tao. Alam mo, may freedom of expression tayo pero hindi naman kailangan na maging bastos. Pilipino kayo, hindi naman ganyan ang ugali ng mga pilipino eh.,” ang sinabi ni Castro.
Samantala, sakali man aniya at mag-public apology sa kanya ang mga taong nambastos sa kanya sa Canada at humingi ng kanyang kapatawaran, ang sgaot ni Castro ay “Hindi naman ako nagtatanim ng sama ng loob, ayaw ko lang po sanang magaya sila ng ibang mga kapwa nating Pilipino.”
“Kasi may mga matataas na opisyal natin ngayon na nagto-tolerate sa mga kababayan natin at jina-justify pa iyong ganitong klaseng ugali ng pagmumura at pagdalangin na mamatay ang isang tao, hindi po iyan dapat tino-tolerate. Sana iyong matataas na opisyal natin ngayon dito, sila ang magsilbing modelo, para sa kagandahang asal, hindi sila iyong nagsisilbing modelo para gayahin sila sa masamang ugali,” aniya pa rin. KRIS JOSE