Home NATIONWIDE Utang ng gobyerno sa emergency allowance ng health workers pinababayaran ni Poe...

Utang ng gobyerno sa emergency allowance ng health workers pinababayaran ni Poe sa PhilHealth

MANILA, Philippines- Pinababayaran ni Senador Grace Poe sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang utang ng gobyerno sa health emergency allowance (HEA) ng health workers noong pandemya.

Sinabi ni Poe na base sa presentasyon ni Finance Secretary Ralph Recto sa ginanap na second briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senate Finance panel, lumalago ang kita ng PhilHealth mula P4 billion noong 2019; P30 billion sa 2020; P48 billion sa 2021; at P79 billion sa 2022.

Sa pagtatapos ng 2024, ayon kay Recto, aabot dsa P61 bilyon ang kikitain ng PhilHealth.

“With its increasing net income annually, PhilHealth should now shoulder the remaining payables of the government to our health workers,” ani Poe.

“Kinukuha na natin sa PhilHealth ngayon ang dapat napunta na sa ating health workers noon pa,” giit ng senador.

Inamin naman ni Recto na hindi ginamit ng PhilHealth ang savings nito sa panahon ng pandemya na dapat pinangtustos sa gastusin sa kalusugan tulad ng HEA.

“It was during the pandemic as well that PhilHealth had a lot of savings because it was the national government who spent for the pandemic. We did not use resources from PhilHealth, which is essentially the reserved funds are really for an emergency like a pandemic,” ayon kay Recto.

Aniya, kung nagamit ang reserbang pondo ng PhilHealth, mababawasan ang halaga ng inutang ng gobyerno sa pandemya.

Inirekomenda niya na pagbutihin ng ahensya ang benefit packages upang mahusay na magamit nito ang pondo ng miyembro. Ernie Reyes