MANILA, Philippines- Nahuli ng mga operatiba ng Philippine National Police-Maritime Group ang 20 indibidwal, kabilang ang dalawang Malaysian, sa umano’y pangingisda sa katubigan ng Mangsee Island sa Balabac, Palawan.
Sinabi ni PNP-MG director Brig. Gen. Jonathan Cabal na nagresulta rin ang operasyon sa pagkakasabat ng fishing boat na may kargang 60 kilo ng buhay na Suno fish, halos 300 kilo ng iba’t ibang isda, at ilang piraso ng fishing equipment.
“These items will serve as crucial evidence in the ongoing investigation and subsequent legal proceedings,” ani Cabal.
Resulta umano ang pagkakaaresto sa pinaigting na operasyon upang bantayan ang Philippine waters bilang pagsuporta sa Philippine Coast Guard at sa Philippine Navy.
Isinagawa ang operasyon noong Agosto 13 ng mga operatiba mula sa 2nd Special Operations Unit – Maritime Group (2nd SOU-MG). Ang vessel, may markang “KT598WIF,” ay pagmamay-ari ng isang Malaysian citizen na kinilalang si “Ku.”
“Along with 19 crew members, the boat was found engaging in illegal fishing in violation of Section 91 of R.A. 10654. This law specifically addresses poaching by foreign vessels within Philippine territory, an offense that carries severe penalties under Philippine law,” wika ni Cabal.
Anang opisyal, 18 sa mga nadakip ay mga Pilipinong na-hire ng dalawang Malaysian.
Dinala na umano ang mga nahuling indibidwal at nasabat na mga ebidensya sa 2nd SOU-MG Rio Tuba Maritime Law Enforcement Team para sa wastong disposisyon.
“The Maritime Group remains vigilant in its efforts to safeguard the country’s marine resources against illegal activities, particularly in its vast and vulnerable coastal areas,” pahayag ni Cabal. RNT/SA