Home METRO 5 tumba sa leptospirosis sa Bulacan

5 tumba sa leptospirosis sa Bulacan

Bulacan- Patay ang limang indibidwal na may kaugnayan sa sakit na leptospirosis matapos lumusong sa baha sa kasagsagan ng bagyong Carina sa lalawigang ito.

Sa ulat ng Provincial Health Office-Public Health (PHO-PH), dalawa ang namatay sa lungsod San Jose Del Monte habang tig-isa sa bayan ng Balagtas, Calumpit at Obando.

Paniwala ni Bulacan Governor Daniel Fernando, posibleng sa paglusong sa baha nitong nakaraang bagyo nakuha ang naturang sakit na kanilang ikinamatay.

“Dahil sa naranasan nating hagupit ng bagyo kamakailan, batid po ng inyong lingkod na karamihan sa atin ay hindi maiwasang lumusong sa baha. Ang atin na lamang po sanang hiling ay linisin po natin nang mabuti ang ating katawan matapos lumusong at gayundin ang ating kapaligiran kung humupa na ang baha. Sa ganitong paraan ay maiiwasan natin na pamahayan ito ng daga na isa sa pinagmumulan ng sakit na ito,” anang punong lalawigan.

Dahil dito, nagpamahagi ang PHO-PH ng 57,000 capsules o 570 boxes ng Doxycycline sa mga lungsod, munisipalidad at mga pampublikong ospital bilang preventive treatment sa naturang sakit.

Sinasabing kabilang sa sintomas ng sakit ay ang pagkakaroon ng lagnat, masakit na kalamnan, ulo, paa, namumulang mata at ma kaunting naninilaw, nangingitim na ihi para severe cases. Dick Mirasol III