Home METRO Utol pinagsasaksak ng kuya!

Utol pinagsasaksak ng kuya!

ECHAGUE, ISABELA- Tuluyan nang sinampahan ng kaso ang suspek na nanaksak-patay sa sarili nitong kapatid habang ginugunita ang ika-40 araw ng pagkamatay ng kanilang ama sa Barangay Annafunan, Echague, Isabela.

Ayon kay PMaj. Rogelio Nativdad, hepe ng Echague Police Station, kinilala ang suspek na si Felix Damian, 46-anyos, habang ang biktima ay ang nakababata nitong kapatid na si Jun Damian, may asawa, kapwa laborer at residente ng naturang barangay.

Sa pagsisiyasat ng Echague Police Station, nagkaroon ng inuman ang mga magpipinsan dahil ginugunita nila ang 40 days na pagkamatay ng ama ng magkapatid.

Biglang dumating sa inuman ang nakatatandang Damian at sinubukang sirain ang sasakyan ng yumaong ama na nagresulta sa pagtatalo nilang magkapatid.

Naawat sila ng kanilang mga kamag-anak at umuwi naman ang pinaghihinalaan.

Pagbalik nito ay may bitbit na itong kitchen knife na ginamit para saksakin ang nakababatang kapatid sa dibdib.

Agad namang nadala sa pagamutan ang biktima subalit binawian din ng buhay.

Batay sa talaan ng PNP Echague, ito na ang ikalawang insidente ng pananaksak sa kanilang nasasakupan kaya muli silang nagpaalala sa publiko na huwag idaan sa init ng ulo ang mga argumento sa halip ay pag-usapan ito ng maayos.

Nagpaalala ang pulisya na hindi rin dapat magsimula ng argumento kung nasa impluwensya na ng alak dahil isa ito sa mga dahilan kung bakit nauuwi sa pananaksak ang mga hindi pagkakaunawaan na kalaunan ay nauuwi sa pagkasawi ng biktima. Rey Velasco