Home OPINION UTOS SA MGA PULIS ‘KILL’

UTOS SA MGA PULIS ‘KILL’

MALAMANG, ang order ni PGen Rommel Marbil sa kanyang mga subordinate sa Philippine National Police ay KILL. Ito ay matapos makatanggap ng mga batikos mula sa netizens dahil sa pagdaan ng kanyang convoy sa EDSA Bus Lane noong Martes.

Pero huwag namang i-take ang KILL issue na literal. Malamang ang ibig sabihin niya sa kanyang mga tauhan ay KILL THE ISSUE sapagkat nakakahiya nga naman na siya mismong PNP chief ang sumasalungat sa batas.

Ang isa pang nakahihiya ay ang hindi pagkampi sa kanya ng bagong talagang kalihim ng Department of Transportation na si Secretary Vince Dizon.

Nilinaw ni Dizon na sasakyan ng limang matataas na opisyal ng pamahalaan ang pinapayagang dumaan sa Edsa Bus Lane na walang prior notice. Ang lima ay ang Pangulo, Pangalawang Pangulo, Senate President, House Speaker at Chief Justice. Malinaw, na hindi kasama ang PNP Chief kahit pa may emergency ito.

Isa pa, ang sinasabing emergency ay hindi emergency meeting tulad ng ipinatawag ni Secretary Jonvic Remulla ng Department of Interior and Local Government.

May lumabas umanong memo na ipinapapatay ni Marbil ang isyu nang kanyang pagdaan sa Edsa Bus Way. Siyempre, ang kanyang mga trolls, este tauhan ay tiyak na tatalima sa kanyang kautusan.

Pero sa halip na gumawa ng panibangong isyu ang PNP upang mapagtakpan ang kanyang kamalian, makabubiting magresign na lang siya sapagkat lumalabas na hindi siya magandang ehemplo sa pagsunod sa batas.

Higit sa lahat, dapat ay siyang pinakamataas na puno ng pambansang pulisya ang manguna sa pagsunod sa batas pero siya itong pasimuno sa pagbali ng alituntunin.

Sabagay, marami lalo na mga retiradong opisyal ng PNP ang hindi pabor sa extension sa serbisyo nitong si Marbil. Anang mga retired official, demoralized o low morale ang maraming pulis na umaasam na mapapalitan na si Marbil dangan lang ay paborito siya ng isang malapit sa Pangulong Marcos kaya naman nagawa pang ingatngat siya sa tenga para lang lumawig pa ang kanyang termino o serbisyo.

Si Marbil ay na-extend ng apat na buwan mula sa kanyang ika-56 na kaarawan nitong Pebrero.