
HINDI dapat ipaubaya lang sa mga bumbero na pwersa ng gobyerno at volunteers ang laban sa mga sunog.
Sa totoo lang, mas masahol pa sa kasabihang manakawan ka na lang ng 10 beses kaysa masunugan dahil kung mamalas-malasin ka, maaabo na ang lahat ng iyong mga ari-arian, malilitson ka pang buhaya.
Nangyari ang malagim na pangayari nitong nakaraang Huwebes sa Brgy. San Isidro, Quezon City.
Walo ang nalitson nang buhay habang natupok ang buong tatlong palapag na gusaling pag-aari ng isang Ruth Capili.
Sa Brgy. Mambaling, Cebu City, halos dalawang oras na sunog ang tumupok sa mahigit 100 bahay at nawalan ng tahanan ang mahigit 400 indibidwal.
Sa totoo lang, mga brad, wala kang gagawin kundi mabilis na tumakbo palayo sa sunog, may dala kang ari-arian o wala, para sa iyong kaligtasan.
Ano-ano nga kaya ang mga gagawin?
Dapat alam ng mga mamamayan na bukod sa mga bumbero, sila rin ay dapat lumaban sa sunog.
Unang-una, panahon nang magtayo ng mga barangay brigade o ipagpapatuloy ito ng mga pamahalaang lokal na mayroon na nito at magsagawa ng mga epektibong pagsasanay.
Dapat magsama na rin sila ng mga miyembro ng mga pamilya na may kayang umakto na parang bumbero at sanaying gumamit ng mga gamit na panlaban sa apoy gaya ng mga fire extinguisher at mismong mga firetruck.
Dapat ding may mga sisidlan ng tubig na lagin may laman na pupwedeng pagkunan ng pansaboy sa apoy.
Kung totoo na maraming gadget at electrical wire na depektibo sa kaya’y mali ang paggamit sa mga ito ang karaniwang sanhi ng mga sunog, dapat malaman ito ng mga mamamayan at awtoridad at maging aktibo sa pagsawata sa mga ito.
At magagawa ito sa mga seminar na dapat lahukan ng mga mamamayan.
Marami ang mga pupwedeng gawin ng mga mamamayan na maituturing na malaking pwersa laban sa sunog kaya dapat silang hubugin nang husto.