
NITONG Enero 2025, tuwang-tuwa ang mga pulis sa pagsasabing kumonti na ang kidnapping-for-ransom kumpara noong 2024.
Ito’y dahil umano sa pagsasara nito lang Disyembre ng lahat POGO o Philippine offshore gaming operators na noo’y malakas ang kidnapping sa mga nagkakautang na nakalilimot magbayad ng utang sa mga pasugalang POGO.
Kapag pinagsama mo naman ang Enero at Pebrero, 2024, anak ng tokwa, mismong ang hanay ng mga karaniwang biktima mula sa Chinese community ang nagsasabing, nababahala na sila sa pagdami ng kidnapping.
Pero hindi lang sila nababahala o ninenerbiyos kundi natatakot na.
KIDNAPPING NG 14-YEAR OLD
Nakidnap ang isang Malaysian-Chinese 14 taong gulang na estudyante na pumapasok sa isang British school sa Bonifacio Global City, Taguig noong Pebrero 20, 2025 matapos lumabas ng eskwela dakong hapon.
Kinabukasan, natagpuang patay na ang kanyang driver at napatunayang pinatay iyon sa San Rafael, Bulacan sa loob ng sasakyan ng pamilya ng biktima.
Natagpuan naman sa C-5 Road ang isa pang sasakyan na ginamit sa kidnapping.
Pagdating ng takipsilim noong Pebrero 25, 2025, natagpuan ang batang biktima sa isang kalsada sa Parañaque City na putol ang isang daliri.
Sa pag-aaral sa cellphone ng driver, dati pala itong nagtrabaho sa POGO at natuklasang kasabwat ito ng mga kidnaper dahil sa pagsali niya sa usapan sa WhatsApp na isang social media na roo’y laman ang $20M ransom at kasali rin rin ang pamilya.
Sino ang hindi matatakot dito, mga Bro?
SUNDALO AT PULIS
Nakauniporme ng pulis ang mga kumidnap sa 14-anyos biktima.
Ngayon, sinasabi mismo ni DILG Secretary Jonvic Remulla na kabilang sa mga kasali sa kidnapping for ransom ngayon ang ilang dating pulis at sundalo na binabayaran ng P200,000 buwan-buwan mula sa mga bosing ng mga sindikato na may kaugnayan sa POGO?
Tumutugma naman ito sa nangyari sa biktima.
Ngayon, hindi kaya patunay ito ng pahayag ni Sec. Remulla?
Isa pa, sinasabi ng PNP-Anti-Kidnapping Group na sila ang dahilan ng pagkaka-rescue sa bata, ngunit sinasabi naman ng Criminal Investigation Detection Group under PMGen. Nicholas na hindi totoo iyon.
Ito’y matapos lumabas, kung totoo base sa nadiskubreng usapan sa WhatsApp o WeChat, na mula sa $20M, nakatawad ang pamilya sa halagang $1M na dahilan ng pagpapalaya sa biktima at ang isa niyang tiyuhin ang sumundo sa kanya sa Parañaque.
Ngayon, ang pinuno ng PNP-AKG ay pansamantalang inalis sa pwesto batay sa pahayag ni Torre para sa imbestigasyon.
Dagdag pa ang kawalan ng sinomang sangkot sa krimen na kilala na umano ang may utak.
Lalong masakit pang isipin, na may mga pinapatay, gaya ng nangyari kina Hong Rong Rong at anak niya na ang mga bangkay ay natagpuang nakabaon sa Savannah Fields sa Barangay San Francisco nitong nakaraang Biyernes lamang at ang tatlo pang Chinese ay pinatay at itinapon din sa Marilaque Highway sa Tanay, Rizal at ang isa sa Infanta, Quezon.
Naganap ang kidnapping for ransom na ito noong October 30, 2023.
Paano ka hindi matatakot sa ganitong mga pangyayari?
Ano-ano ba ang mga dapat gawin, lalo na sa parte ng mga awtoridad?