MANILA, Philippines – Nagpatupad ang Department of Finance (DOF) ng VAT exemption sa indigenous natural gas at kuryenteng nalilikha mula rito upang makatulong sa pagpapababa ng gastos sa enerhiya sa gitna ng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Saklaw ng bagong regulasyon ang pagbebenta at pagbili ng indigenous natural gas, aggregated gas, at kuryente mula rito, kabilang ang mga kaugnay na serbisyo sa power generation. Gayunman, ang exemption sa aggregated gas ay limitado lamang sa bahaging mula sa lokal na gas.
Kabilang sa maaaring makinabang ang mga supplier, aggregator, reseller, at power generation facilities, basta’t may kaukulang sertipikasyon mula sa Department of Energy (DOE).
“The BIR acknowledges the potential of natural gas to lower energy costs and help achieve national energy security,” ani Bureau of Internal Revenue Commissioner Charlito Mendoza.
Dagdag niya, layunin ng hakbang na suportahan ang pamumuhunan sa industriya ng natural gas at gawing mas kompetitibo ang malinis na enerhiya.
“By establishing transparent and well-defined processes for VAT incentives on indigenous natural gas, we strengthen both the competitiveness of cleaner energy sources and the integrity of our tax system,” aniya.
Upang makakuha ng exemption, kinakailangan ang endorsement mula sa DOE at sertipikasyon hinggil sa dami at porsiyento ng indigenous natural gas na naibenta, gayundin ang paggamit nito sa power generation. RNT