MANILA, Philippines- Inihayag ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ang pagpapataw ng value-added tax (VAT) sa digital services ng mga dayuhang entity ay hindi isang bagong buwis, ngunit nilayong i-level ang playing field sa mga lokal na tradisyunal na negosyo at digital service firms.
Matatandaan na nitong Miyerkules ay nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang batas ang Republic Act No. 12023 na nagsampa ng 12% VAT sa mga non-resident digital services.
Sa bagong batas, inaasahan ng gobyerno na makakolekta ng P102.12 bilyon mula 2025 hanggang 2029.
Nagpahayag naman ng suporta si BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. sa pagsasabatas ng RA 12023 kung saan ang nasabing bagong batas ay nagtataguyod ng patas na kompetisyon dahil ito ay katumbas ng VAT na babayaran ng mga lokal at dayuhang kompanya, hangga’t sila ay nagnenegosyo sa Pilipinas.
Sa ilalim ng batas, ang mga dayuhang digital service provider na ang kabuuang benta o resibo sa nakaraang taon ay lumampas sa P3 milyon ay kinakailangang magparehistro para sa VAT.
Habang ang mga non-resident digital service provider ay kinakailangan ding magtalaga ng isang kinatawan na tanggapan o ahente —isang resident na korporasyon na nakarehistro sa ilalim ng batas ng Pilipinas upang tumulong sa pagsunod sa mga probisyon ng Tax Code. Pansamantala namang sususpendihin ang mga hindi sumusunod na negosyo.
Tinutukoy ng batas na ang digital service bilang anumang serbisyo na ibinibigay sa internet o iba pang electronic network gamit ang teknolohiya ng impormasyon at kung saan ang supply ng serbisyo ay essentially automated.
Kabilang na dito ang online search engines, online marketplace, e-marketplace, cloud service, online media at advertising, online platform, o digital goods. JAY Reyes