Home METRO Vendor tiklo sa sumbong ng concerned citizen, P70K shabu nasamsam

Vendor tiklo sa sumbong ng concerned citizen, P70K shabu nasamsam

MANILA, Philippines – SWAK sa selda ang isang lalaki na sangkot sa iligal na droga matapos na madakip ng mga pulis na nagsasagawa ng pagpapatrolya makaraan isumbong ng isang concern citizen ang ginagawang drug activity ng suspek at katransaksyon nito sa Caloocan City, Huwebes ng madaling araw, Hunyo 1.

Nakapiit sa detention cell ng Caloocan City Police ang suspek na kinilalang si Milandro De Austria y Napeñas, 46, vendor, residente ng 46 Cotabato St., Bagong Bantay, Quezon City.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Caloocan City Police, dakong alas-3:30 ng umaga nagsasagawa ng pagpapatrolya ang mga tauhan ng West Grace Park Police Sub-Station 3 na sina PSSg Ralph Saez at PCpl Mark Anthony Domingo sa Barangay 78 ng makatanggap sila ng impormasyon mula sa isang concern citizen hinggil sa dalawang lalaki na sangkot sa iligal na droga at nagtratransaksyon.

Agad na nagtungo ang mga pulis sa Gen. Pio Valenzuela St., upang beripikahin ang natanggap na impormasyon hinggil sa iligal na aktibidades ng dalawang lalaki at ng mag positibo at parehas sa ibinigay na impormasyon sa kanila ay mabilis na nilapitan ng mga ito ang mga suspek.

Sa puntong iyon, agad na nagpakilala ang mga pulis sa dalawang suspek subalit imbes na huminto ay kumaripas ng takbo ang dalawa subalit agad namang napigilan ng mga pulis si De Austria habang nakatakas ang katransaksyon nito.

Narekober ng mga pulis kay De Austria ang labing walo na small heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nasa 11.6 grams at tinatayang nasa P78,880 ang halaga at isang brown coin pouch.

Mahaharap ang suspek sa kasong Violation of Art 151 of RPC Resistance and Disobedience to a Person in Authority at Sec 11 Possession of Dangerous Drugs Art II of R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.

Patuloy na hinahanap at inaalam ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng katransaksyon ni De Austria na nakatakas. R.A Marquez