MANILA, Philippines – HINDI NAPAG-USAPAN nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., at US President-elect Donald Trump ang tungkol sa mga Pinoy na ilegal na nananatili sa Amerika.
Nagkausap kasi sina Pangulong Marcos at Trump sa telepono bago pa pumunta sa Virac Sports Complex sa Barangay Francia sa Munisipalidad ng Virac, Catanduanes ang una para mamahagi ng government assistance para sa mga biktima ng pananalasa ng bagyong Pepito.
“We didn’t talk about that, it was just a congratulatory talk, but of course our ambassadors are already working on it,” ayon sa Pangulo.
Sa ulat, binigyan-diin ni Trump sa kanyang victory speech na isasara niya ang borders ng US at magpapatupad ng mas mahigpit na batas laban sa mga illegal alien.
“We gonna have to seal up those borders, we are gonna have to let people come into our country. We want people to come back in, but they have to come in legally… We are gonna start by putting America first,” ayon kay Trump.
Pininayuhan naman ni Philippine Ambassador to the United States Jose Manuel “Babes” Romualdez ang mga Pinoy na ilegal na nananatili sa Amerika na huwag na nilang hintayin na ma-deport matapos manalo sa katatapos na halalan doon si Trump.
Ayon sa opisyal, 99% ang posibilidad na hindi na papayagang makabalik ng US ang mga ipinapa-deport.
Ayon kay Romualdez, maaaring makipag-ugnayan sa attaché mula sa Department of Migrant Workers at Philippine Embassy sa Washington ang Pinoy na ilegal na nasa US.
Gayunman, “payo” lang umano ang tanging maibibigay ng mga ahensiya sa kanila.
Sa kabilang dako, sinabi pa ng Pangulo na hindi siya kundi ang kanyang ina na si dating Unang Ginang Imelda R. Marcos ang kaibigan ni Trump.
“Kilalang kilala niya mother ko. Kinakamusta niya, “how’s imelda?” ang sabi ko binabati ka nga,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.
Pinag-usapan din aniya nila ni Trump ang samahan at alyansa sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
“I expressed to him our continuing desire to strengthen that relationship between our two conuntries which is a relationship that is as deep as it could possibly be. Because it has been for a very long time,” aniya pa rin.
Ipinaalala rin aniya niya kay Trump na ‘overwhelmingly’ ay binoto siya ng mga filipino sa Amerika.
“I’m sure, maalala niya ‘yon ‘pag nagkita kami at plano kong makipagkita sa kaniya as soon as I can, sabi niya siguro nasa White House na siya bago ako makapunta,” ang winika ng Pangulo.
Para sa Pangulo, ang kanilang pag-uusap ni Trump ay ‘a very good call, very friendly call, very productive.’ at Masaya aniya siya na nagawa ng Paulo ang lahat ng ito sabay sabing “I think President-elect Trump was happy to hear from the Philippines.”