SINASABI ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration na wala itong nakikitang nabubuong sama ng panahon na maaaring papunta sa Pilipinas sa mga araw na ito.
Good news ito kahit papaano dahil may pagkakataon tayong humarap sa mga pinagdaraanan nating kalamidad.
Heto nga’t may kulang-kulang pang 500,000 na nasa iba’t ibang evacuation center sa bansa.
Iba pa ang mga nakikipanirahan sa iba o kamag-anak nila na tiyak na marami rin.
Ang tiyak, marami sa mga ito ang walang mababalikang mga tahanan dahil nasira o nawasak sa mga sunod-sunod na bagyo.
Para sa mga madaling makumpuni, maaaring aabutin lang ng ilang araw bago sila makabalik sa normal na silungan.
Subalit para sa mga mahirap na kumpunihing bahay na mahal at kailangang bilhin ang mga materyales, matagal bago sila makabalik roon.
Sa mga kalagayang ito, apektado pati ang mga paaralan na karaniwang ginagawang bakwitan.
At naiistorbo ang pag-aaral ng mga bata sa kawalan ng mapasukang silid-aralan.
IBA PANG MGA PROBLEMA
Napakabibigat ang mga problemang iniwan ng mga sunod-sunod na bagyo at baha na nagbunga ng mga kalamidad.
Bukod sa mga nasirang tahanan at pagbigat ng edukasyon ng mga kabataan sa paggawa ng mga paaralan bilang mga evacuation center, andiyan ngayon ang kinahaharap nilang napakamamahal na bilihin.
Ang mga gulay bilang ulam, nagdoble o triple ang presyo dahil sa kaunting suplay sa mga palengke makaraan ang malawakang kasiraan dito.
Tumataas na rin ang bigas, lokal at imported, sa mga palengke.
Kasama rin sa mga napinsala ang mga piggery at manukan kaya tumataas din ang presyo ng mga ito.
Sa kabuuan, mga Bro, bukod sa pagtaas ng lahat presyo ng mga bilihin dahil sa mga bagyo at baha o kalamidad, narito na rin ang pagtaas ng presyo ng lahat dulot ng lumalapit na Kapaskuhan.
Ang masama, maraming hanapbuhay ang nasira na roon nabebenta ang lakas paggawa o kaya’y mga small and medium enterprise na pawang utang ang puhunan.
Kaya hirap na ang marami sa pagbili sa mga mahal na bilihin, hirap pa ang paghahanap ng pambili.
CALAMITY FUNDS AT IBA PA
Ang pamahalaan ang inaasahang makatutulong nang husto sa mga biktima ng kalamidad.
Nasaan ngayon, lalo na ang mga pondo, para sa pagbangon ng mga nasalanta?
Siyempre, makatutulong sa pagkakaroon ng hanapbuhay ang mga paggawa sa mga imprastraktura at matagalan ang mga ito.
Meron ding mga panandalian gaya ng ginagawang TUPAD ng Department of Labor.
Pero ang puhunang kailangan ng mga gustong lumikha o muling magtayo ng negosyo sa iba’t ibang larangan na mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyanteng napinsala, nasaan?
Sa mga barangay, ubos na o nauubos na umano maging ang kanilang mga quick respond funds at calamity funds at wala nang maaasahang ayuda sa mga ito.
Dito na dapat pumasok ang pambansang pamahalalan at mga ahensya para umayuda.
Sana naman, mabilis na kumilos ang pambansang pamahalaan sa mga usaping ito, kasama ang mga bangko at iba pang financial instutions ng gobyerno gaya ng Social Security System at Government Service Insurance System.