Home ENTERTAINMENT Vhong, may reaksyon sa hatol kina Cedric at Deniece!

Vhong, may reaksyon sa hatol kina Cedric at Deniece!

Manila, Philippines- Masaya si Vhong Navarro matapos lumabas ang hatol ng Taguig Regional Trial Court ngayong Huwebes na pumabor sa kanya sa serious illegal detention case na isinampa niya laban kina Cedric Lee at Deniece Cornejo.

Binasa sa korte ng Taguig Regional Trial Court ang hatol na guilty kina Cedric at Deniece pati na sa mga kapwa-akusado nilang sina Zimmer Raz at Ferdinand Guerrero, ngayong Huwebes ng umaga, May 2, 2024.

Iniutos din ng korte ang pag-aresto sa mga akusado para sa parusang reclusion perpetua o habambuhay na pagkakakulong. Kinansela rin ng korte ang kanilang bail bond.

Pero maaari pa rin nilang iapela ang desisyon ng korte.

Sa live presentation ng It’s Showtime ngayon ding Huwebes, nagpasalamat si Vhong sa nakamit na hustisya pagkatapos ng matagal na paghihintay.

Pahayag niya: “Gusto ko munang [kunin] itong pagkakataon na ito para magpasalamat.

“Of course, maraming-maraming salamat, Lord, dahil lagi ka nakagabay sa akin.

“Sa rami ng pinagdaanan ko sa buhay, nandiyan Ka. Ikaw ang naging sentro ko, at napakatotoo Mo. Kaya maraming-maraming salamat.

“And of course, maraming salamat po sa RTC Taguig Branch 153, kay Judge Bien, at sa lahat po ng staff ng court, sa ibinigay niyo pong justice sa akin na matagal ko na pong pinagdadasal. Salamat po ng marami.”

Pinasalamatan din ni Vhong ang kanyang legal team sa pamumuno ni Atty. Alma Mallonga at ganundin ang ABS-CBN family na hindi tumalikod sa kanya.

Hindi rin nakalimutang pasalamatan ng TV host-comedian ang kanyang manager na si Chito Rono, ang kanyang mga kagrupo sa Streeboys, mga tagahanga at ang kanyang It’s Showtime family. Rommel Placente