Manila, Philippines — Pinarangalan ng alumni association ng Far Eastern University si Vice Ganda sa pagkapanalo nito bilang Best Actor sa 73rd FAMAS kamakailan.
Si Vice Ganda o Jose Mari B. Viceral ay alumnus ng FEU High School Batch 1992.
Sa FEU din siya kumuha ng kursong Bachelor of Arts, major in Political Science, ngunit hindi niya ito tinapos.
Ayon sa FEU Alumni Association, “Her achievement brings pride and inspiration to the entire FEU community.”
Nagwagi ang TV host-actor ng naturang parangal para sa pelikulang And The Breadwinner Is, isa sa mga kalahok sa Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon.
Dumating ang tagumpay na ito matapos ang kontrobersiyang dulot ng kanyang “jet ski holiday joke” sa Super Divas concert sa Araneta Coliseum kasama si Regine Velasquez.
And The Breadwinner Is ang kauna-unahang seryosong pelikula ni Vice Ganda mula nang simulan niya ang kanyang career sa pelikula.
Sa direksyon ni Jun Lana, may entry rin si Vice Ganda ngayong 2025 sa MMFF na Call Me Mother kasama si Nadine Lustre, mula rin sa parehong direktor.
Bukod sa pagkilala ng FEU, isa rin ang tinaguriang Unkaboggable Star sa mga tinanghal na Outstanding Alumni sa Green and Gold Awards noong 2023.