MANILA, Philippines – Patay ang dating barangay chairman na tatakbo sana bilang vice mayor para sa 2025 midterm elections matapos pagbabarilin sa Tantangan, South Cotabato.
Kinilala ang biktima na si dating Barangay Bukay Pait Chairman, Jose Osorio, na natagpuang wala nang buhay sa loob ng kusina ng karinderya nito, Lunes ng umaga, Nobyembre 18.
Ayon sa pulisya, nakarinig ng putok ng baril ang mga kapitbahay nito. Natutulog naman sa kanilang bahay sa likod ng eatery ang asawa nito nang mga panahong iyon.
Narekober ng mga awtoridad ang anim na empty shells ng hindi pa tukoy na armas sa crime scene.
Tinitingnang posibleng motibo sa pagpatay ay personal na galit.
“Ang initial na nakikita naming motibo ay personal. However, hindi naman natin binalewala ang ibang anggulo pa. For further investigation pa naman ito,” ayon kay Tantangan Municipal Police Station Chief, Major Erica Vallejo. RNT/JGC