Home NATIONWIDE Vice mayoral candidate sa Isabela inireklamo sa cybercrime

Vice mayoral candidate sa Isabela inireklamo sa cybercrime

MANILA, Philippines – Sa pamamagitan ng Task Force Katotohanan, Katapatan at Katarungan (KKK) sa Halalan ng Commission on Elections, isang kandidato sa pagka-bise alkalde sa Reyna Mercedes sa Isabela ang ipinagharap ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act.

Sa reklamo ng Comelec, nagpost umano si Neryll Harold Respicio sa kanyang social media page ng video noong Enero 24 bandang alas-7 ng gabi na may tutulong umano kung paano i-hack ang automated counting machine (ACM).

Muling nagpost kinabukasan, Enero 25 si Respicio ng video ng actual hacking ng umano’y source code ng ACM at kung paano ito madaling manipulahin.

Ayon kay Comelec Chair George Garcia, gumawa ng kunwaring source code si Respicio para palabasin na kaya niyang i-maniobra ang halalan.

Kauna-unahan itong kaso na inihain ng komisyon laban sa isyu ng cybercrime.

Ayon sa Task Force, maghahain din sila ng disqualification case laban kay Respicio gayundin ang disbarment sa IBP.

Dagdag pa, plano rin ng Comelec na alisan ng lisensya sa PRC ang akusado sa pagiging accountant. Jocelyn Tabangcura-Domenden