NAHAHARAP si Pasig City Mayor Vico Sotto at dalawang iba pa sa samu’t saring kasong kriminal sa Office of the Ombudsman kaugnay sa alegasyon na pagkakaloob ng 100% tax discount sa isang telco company.
Ang reklamo ay inihain ni Ethelmart Austria Cruz, residente ng lungsod.
Sa 17-pahinang affidavit-complaint na tinanggap ng Office of the Ombudsman noong Agosto 7, 2024, kinasuhan ni Cruz ang alkalde ng paglabag sa Republic Act No. 3019 Section 3, paragraph (e); paglabag sa Republic No. 6713 Section 4, paragraph (a) at (b); grave misconduct; gross neglect of duty and conduct prejudicial to the best interest of service; at dishonesty.
Kasama ring kinasuhan sina Melanie De Mesa, head ng Business Permit and Licensing Department, at Jeronimo Manzanero, city administrator.
Batay sa reklamo ni Cruz, mula 2018, ang Converge ICT Solutions, Inc. ay nagdedeklara para sa tax purposes, na umookupa lamang sila sa office space na 5 square meters, at nag-eempleyo ng apat na empleyado.
Nakasaad sa reklamo na base sa inspection reports na may mga petsang July 18, 2022 at September 19, 2022, lumitaw na ang Converge ay hindi nagdedeklara ng actual size ng kanilang opisina at ng bilang ng kanilang mga empleyado dahil ang aktuwal na bilang ng kanilang mga empleyado ay 1,901 at inookupahan nito ang apat na palapag ng office space na may total area na 9037.46 square meters.
Isang tax order of payment din ang inisyu noong October 18, 2022, kung saan ang kompanya ay in-assess ng kabuuang halaga na P3,670,340.11, na may total surcharge na P447,106.77 at total interest na nagkakahalaga ng P979,570.27, na kumakatawan sa deficiencies at delinquencies sa pagbabayad ng fees at licenses.
Iginiit ni Cruz sa kanyang reklamo na ang mga pangyayari na nakapalibot sa pag-apruba ng Office of the Mayor sa tax discount pabor sa pribadong kompanya “constitutes the giving of unwarranted benefits and is a violation of the Anti-Graft and Corrupt Practices Act.”
“It shows the respondents’ acts patently showed preference in the discharge of their duties when they issued a 100% tax discount,” nakasaad sa reklamo.
“On the authority of respondent Mayor Sotto is only to grant a deduction from the amount of obligation assessed by the BPLO. The proper remedy and course of action that would have been less detrimental for the City of Pasig was to enter into a compromise agreement,” dagdag pa ni Cruz sa kanyang reklamo.
Samantala, ipinagkibit-balikat lamang ni Sotto ang inihaing reklamo laban sa kanya.
“Anyone can file a complaint, it doesn’t mean anything,” pahayag niya sa mga reporter. RNT