Home TOP STORIES Villar, isinulong mas pinalakas na mental health support sa mga paaralan

Villar, isinulong mas pinalakas na mental health support sa mga paaralan

30
0

MANILA, Philippines – Inihain ni Senator Mark A. Villar ang Senate Bill No. 2133 o ang panukalang Students’ Guidance Counseling Act na naglalayong palakasin ang school-based mental health programs at palawakin ang access ng mga estudyante sa guidance at psychosocial support services sa buong bansa.

Binanggit ni Villar ang isang pag-aaral na inilathala ng Cambridge University Press na nagpapakita ng nakaaalarmang pagtaas ng depressive symptoms sa mga kabataang Pilipino, kung saan mahigit dumoble ang kaso ng moderate to severe depression sa mga edad 15 hanggang 24 sa loob lamang ng walong taon.

Ayon sa pag-aaral, lumalala rin ang mental health challenges ng mga estudyante dahil sa tumitinding academic demands, socio-economic hardships, at iba pang external stressors na nakaaapekto sa kanilang emosyonal at sikolohikal na kalagayan.

“Hindi dapat balewalain ang mental health ng ating mga kabataan. Marami sa ating mga estudyante ang nakakaranas ng matinding pressure sa paaralan at iba’t ibang personal na suliranin, ngunit madalas ay kulang ang suporta at gabay na kanilang natatanggap. Nakaaapekto ito hindi lamang sa kanilang pag-aaral kundi pati sa kanilang pangkalahatang kalusugan at kinabukasan,” ani Villar.

Binigyang-diin din ng senador ang kakulangan ng guidance counselors sa bansa. Ayon sa kanya, tinatayang nasa 1:14,000 ang counselor-to-student ratio sa Pilipinas, malayo sa global standard na 1:250.

Aniya, libo-libong posisyon para sa guidance counselors ang nananatiling bakante, dahilan upang maging limitado ang kakayahan ng mga paaralan na magbigay ng agarang intervention at psychosocial support sa mga estudyanteng nakararanas ng emotional distress, anxiety, depression, bullying, at iba pang mental health-related concerns.

Sa ilalim ng panukalang batas, magtatalaga ng mga kwalipikadong counselors, associate counselors, o school social workers sa lahat ng pampublikong paaralan sa bansa. Isinusulong din nito ang pagpapalakas ng school mental health at wellness programs, referral systems, at intervention mechanisms para sa mga estudyanteng nangangailangan ng specialized care.

“Sa pamamagitan ng panukalang ito, nais nating tiyakin na may sapat na mga propesyonal na handang umalalay at gumabay sa ating mga estudyante. Mahalaga ang maagang pagtukoy at agarang pagtugon sa mga suliraning may kinalaman sa mental health upang mas mabigyan ng tamang suporta ang ating mga kabataan,” diin ni Villar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here