MANILA, Philippines — Naghain si Sen. Mark Villar ng panukalang batas na naglalayong pigilan ang mapanlinlang at mapaminsalang paggamit ng artificial intelligence (AI), partikular ang deepfakes na gumagamit ng mukha, boses at pagkakakilanlan ng isang tao nang walang pahintulot.
Sa ilalim ng panukalang “Kontra Malisyosong AI Act,” nais ni Villar na magkaroon ng malinaw na patakaran sa paglikha at pagpapakalat ng AI-generated o AI-altered images, videos at audio, kasabay ng pagpapataw ng pananagutan sa mga lalabag at ilang obligasyon sa digital platforms.
Binigyang-diin ni Villar, pangunahing may-akda ng Anti-Financial Account Scamming Act (AFASA), ang panganib ng paggamit ng AI sa scams, phishing, identity theft, harassment at iba pang uri ng panlilinlang.
“Habang patuloy na umuunlad ang artificial intelligence, dapat din nating palakasin ang ating mga pananggalang laban sa mga gumagamit nito sa panloloko at pananamantala,” ani Villar.
Sa ilalim ng panukala, kailangang magkaroon ng malinaw na disclosure ang AI-generated o altered content na ipamamahagi sa publiko.
Para sa audiovisual materials, itinatakda ng panukala ang verbal at written disclosure na nagsasabing AI-generated o altered ang content. Ang audio-only at visual-only materials ay magkakaroon din ng kaukulang disclosure requirements.
Nais din ng panukala na hingin ang prior written o digital consent ng taong inilalarawan sa isang deepfake kung maaari itong gamitin upang manlinlang, manira, mang-harass, manakot o magsamantala.
Saklaw din umano nito ang unauthorized use ng pagkakakilanlan ng isang tao para sa commercial, advertising, sexual o political purposes, gayundin sa scams, phishing at identity theft.
“May karapatan ang bawat Pilipino na protektahan ang kanyang mukha, boses, at pagkakakilanlan. Dapat malinaw kung alin ang tunay at alin ang artipisyal,” ani Villar.
Inaatasan din sa panukala ang digital platforms na magkaroon ng accessible reporting mechanism at alisin o i-disable ang access sa mapanlabag na deepfake content sa loob ng 24 oras matapos makatanggap ng verified complaint mula sa taong ginaya o inilalarawan.
Maaari ring humingi ang biktima ng takedown ng content at mga kopya nito, maghabol ng danyos, at dumulog sa korte upang pigilan ang patuloy na pagpapakalat ng materyal.
Nagtatakda rin ang panukala ng multa at pagkakakulong depende sa uri at bigat ng paglabag, na may mas mabigat na parusa kapag menor de edad ang biktima. May nakalaang administrative penalties din laban sa digital platforms na hindi susunod sa takdang takedown requirement.
Binigyang-diin ni Villar na hindi layunin ng panukala na hadlangan ang lehitimong paggamit at pag-unlad ng AI kundi magtakda ng safeguards laban sa paggamit nito para sa panloloko at pang-aabuso.
Sa ilalim ng umiiral na Data Privacy Act, maaari nang magkaroon ng legal consequences ang ilang unauthorized AI-generated content na gumagamit ng mukha o likeness ng isang identifiable person. Nilinaw din ng National Privacy Commission na maaaring humiling ang apektadong indibidwal ng blocking o removal ng false personal data at magsampa ng reklamo. RNT