MANILA, Philippines – Narekober ng mga awtoridad ang isang motorsiklong ninakaw sa Imus, Cavite matapos itong tangayin ng apat na suspek at ikarga sa isang van, batay sa kuha ng CCTV.
Sa insidente noong gabi ng Marso 13 sa Barangay Alapan 1A, makikita sa video ang tatlong lalaki na bumaba mula sa van at tinangay ang nakaparadang motorsiklo, habang may isa pang tumulong sa pagbubuhat nito bago sila tumakas.
Kinabukasan, nadiskubre ng may-ari na si Vincent Ernest Torres ang pagkawala ng kanyang sasakyan.
“Unang pundar po naming mag-asawa ‘yon sir e. Kaya pinaglaanan po namin ng oras ‘yon. Tinatago ko po sa likod ng L300 ko ‘yan. Kasi po masyadong open sa garahe namin,” saad ni Torres.
Matapos ang tatlong araw, natagpuan ang motorsiklo sa isang eskinita sa Barangay 198, Tondo, Manila, ngunit tinanggal na ang plaka at ilang bahagi nito gaya ng fairings, side mirror, at headlight—hudyat na posibleng babaguhin ang itsura nito upang hindi makilala.
Sa imbestigasyon ng PNP-Highway Patrol Group, napag-alaman na nirentahan lamang ang ginamit na van sa Valenzuela City. Narekober ito sa Caloocan City na wala nang mga upuan at iniwang nakabukas ang susi.
“Ang ginawa namin, tiningnan namin sa GPS ng 14 na ng umaga. Doon na po namin nakita na nasa 2nd Avenue, Caloocan. ‘Yong van, tanggal na po ang mga upuan, kalas-kalas ang turnilyo, tapos ang susi ng van, nasa loob lang iniwan,” kwento ni Angel De Guzman na nagpaupa ng sasakyan.
Tukoy na ng mga awtoridad ang isa sa mga suspek matapos itong mag-iwan ng lisensya at national ID sa pagrerenta ng van. Ayon sa pulisya, posibleng isang organisadong grupo na nakabase sa Maynila ang nasa likod ng operasyon at target ang mga karatig-probinsya.
“Naniniwala kami na this is a well planned operation at hindi naman ito tatakbo ng isang tao lang o ilang tao lang. We see na talagang may grupo na nasa likod nito,” saad ni Police Lt. Nadame Malang.
Patuloy ang follow-up operations ng PNP-HPG upang matukoy ang iba pang sangkot na mahaharap sa kasong carnapping. Mary Anne Sapico