MANILA, Philippines- Nilinaw ng 22-anyos na sampaguita vendor na nag- viral sa social media matapos sapilitang paalisin ng isang mall security guard nitong Sabado na hindi siya parte ng anumang sindikato at itinanggi ang mga alegasyong minura at dinuraan niya ang guard.
Sinabi ng vendor na nagtitinda siya ng sampaguita noong December 17 nang lapitan siya ng guard at paalisin. Hiniling niyang manatili pa sandali dahil umaambon habang hinihintay at kanyang kambal at kaibigan, na nagbebenta rin ng sampaguita, upang magkakasabay silang umuwi.
“Ayaw na muna niya mapakiusapan na doon na muna ako umupo… and then parang inaambahan niya po ako na kukunin niya yung sampaguita ko. Tumayo na po ako noon and then, yun nga po, nung pagtayo ko po non, hinablot niya po yung paninda ko,” pahayag niya.
“Hindi na po ako nakapagpigil… syempre po yung araw na yun, galit po ako talaga kasi naganun po ako. Feeling ko, ang baba ko, feeling ko, ayun nga, dahil nagtitinda lang ako, ginanun ako,” dagdag niya.
Anang vendor said, tumigil siyang magbenta ng sampaguita dahil sa trauma at online bashing.
“Masakit man isipin pero… kailangan ko na lang harapin. Dumating nga po sa point na ayaw ko na pong pumasok kasi nahihiya na po ako,” wika niya.
Itinanggi naman ng vendor ang pagkakasangkot sa anumang sindikato o pagiging agresibo upang makakuha ng pera.
“Nababasa ko po sa mga comment section na ako raw po yung lider ng mga sindikato, which is hindi naman po. Then yun nga po magnanakaw daw po ako tapos nagmumura daw po ako at nandudura. Hindi ko po ugaling mangganun ng tao lalo na po at naka-school uniform po ako,” giit niya.
“Nagsusuot po ako ng uniform kasi para maging disente po sa harap ng tao at hindi po pagpapanggap yun at totoo naman po akong nag-aaral,” paliwanag pa niya.
Nang tanungin ukol sa security guard, sinabi niya: “Gusto ko po humingi ng sorry sa kanya, and at the same time hindi ko po ginusto na matanggal siya sa trabaho.”
“Kailangan ko po talaga magtinda para naman po maka-survive ako sa pag-aaral ko… may kaedaran na po kasi ang parents ko at kadalasan nagkakasakit na po ang mama ko kaya bilang isang anak, hindi ko naman po gugustuhin na mas lumala pa ang sakit ng parents ko kaya mas gusto ko na iprovide na lang yung pangangailangan namin dahil nagtitinda po ako,” patuloy niya.
Nagpasalamat siya sa Department of Social Welfare and Development at ilang netizens sa pag-alok ng financial assistance at psychosocial support para sa kanya. RNT/SA