Home NATIONWIDE Viral video ng titser na nanlait, nanermon ng mga estudyante sa TikTok...

Viral video ng titser na nanlait, nanermon ng mga estudyante sa TikTok Live bineberipika ng DepEd

MANILA, Philippines- Aalamin ng Department of Education (DepEd) ang katotohanan sa video na nagpapakita ng isang babaeng guro na nanermon at nanlait ng kanyang mga estudyante sa pamamagitan ng TikTok Live.

“We are verifying the report from the field,” ayon kay DepEd Deputy Spokesperson at Assistant Secretary Francis Bringas sa isang panayam.

Tinukoy ni Bringas ang video na nagpapakita ng isang galit na galit na babaeng guro sa kanyang mga estudyante. Ang nasabing insidente ay ini-livestream umano ng guro sa TikTok.

“[This] will require a complete incident report to determine the next course of action in accordance with existing DepEd policies,” ayon kay Bringas. Ipalalabas umano ang updates at karagdagang impormasyon “as soon as available.”

Makikita sa viral video na kalat na sa Facebook at X, ang isang galit na galit na babaeng guro na sinesermonan ang kanyang mga estudyante.

Makikita sa two-minute at 11-second video na ang guro ay nasa loob ng silid-aralan kung saan habang nanenermon ay sinabi nito ang masasamang ugali ng kanyang mga estudyante

Gumamit din ang galit na galit na guro ng mga salitang “ugaling iskwater, ingrato, walang mararating sa buhay at wala kayong lugar sa mundo.”

“Nakakalimutan nyo yung ano nyo ha, yung boundaries nyo, nakakalimutan nyo yung boundaries nyo,” sabi pa ng guro sa video.

Gayundin, inihayag ng guro na hindi sila binabayaran para maging “robot” at pahiyain sa harap ng klase.

Isinigaw din ng guro sa video na hindi siya pumasa sa Board Exams (para sa mga guro) para bastusin ng mga estudyante na wala pa umanong napatutunayan sa kanilang buhay.

“Ang kakapal ng mga mukha nyo!” giit ng guro sa video sabay sabing nakahihiya ang kanyang mga estudyante sa hindi paggalang sa kanya kahit hindi pa kaya ng mga itong pakainin ang kanilang mga sarili.

“Hindi na nga kayo matalino eh, ang sama pa ng ugali nyo. Wala kayong mararating,” dagdag na sabi ng guro.

Umani naman ang video ng 52,000 reaksyon sa Facebook, 7,000 komento at 29.4K shares.

Sa X, dumagsa ang mga netizen upang batikusin at tawagan ng pansin ang guro at hikayatin ang DepEd na kagyat na aksyunan ang naturang usapin.

Samantala, para sa DepEd, mayroon na itong umiiral na polisiya sa paggamit ng mga guro ng social media habang nasa klase gaya ng nakasaad sa DepEd Order No. 49, s. 2022 o “Promotion of Professionalism in the Implementation and Delivery of Basic Education Programs and Services.” Kris Jose

Previous articleTINGNAN: Mga mananampalataya bumisita sa Our Lady of Lourdes Grotto Shrine
Next articleSurigao del Norte insurgency-free na