Home METRO Surigao del Norte insurgency-free na

Surigao del Norte insurgency-free na

SURIGAO CITY- Bunsod ng sunod-sunod na pagsuko ng mga matataas na opisyal ng New People’s Army (NPA), naniniwala ang pamahalaan na malaya na sa kaguluhan kaya naman idineklarang ‘insurgency-free’ ang Surigao del Norte, nitong Biyernes.

Sa ginanap na programa sa provincial gymnasium, pinangunahan nina Surigao del Norte Gov. Lyndon Barbers, Surigao del Norte Rep. Robert S. Barbers, Major Gen. Jose Maria R. Cuerpo ng Army 4th Infantry (Diamond) Division at dinaluhan din ni DILG Secretary Benjamin Abalos, pormal na idineklara ang Surigao del Norte bilang insurgency-free province.

Ayon kay Gov. Lyndon, ang probinsya ay naging conflict-manageable at handa na sa pag-unlad.

“Malaya na ang ating lalawigan, at sa gayon ay nagbibigay daan para sa higit na paglago at pag-unlad ng ekonomiya,” anang gobernador.

Sa nasabing programa, isang peace marker ang inihayag at nilagdaan ng rebel returnees, kung saan nakasaad ang pangako para sa kapayapaan at nanumpa rin sila ng katapatan sa gobyerno.

Sinaksihan din ito nina NTF-ELCAC Executive Director Ernesto Torres Jr., Police Regional Office-13 Director Police Brig. Gen. Kirby John B. Kraft, 4th ID Assistant Division Commander Brig. Gen. George Banzon; 901st Brigade Brigade commander Brig. Gen. Arsenio DC Sadural, 402nd Infantry Brigade commander Brig. Gen. Adonis Ariel G. Orio, 401st Brigade commander Brig. Gen. Francisco Lorenzo, commanding officer ng 30th Infantry Battalion na si Lt. Col. Jerold H. Jale, mga mayor ng Surigao del Norte, iba pang opisyal ng gobyerno, maging mga pinuno ng pribadong sektor.

Pinuri naman ni Abalos ang pagsisikap ng mga sundalo na laging itinataya ang kanilang buhay upang protektahan ang komunidad mula sa pag-atake ng mga terorista.

Sinabi ni Abalos na may 600 local government units na cleared na sa insurgency ang nagtitipon para ibahagi ang kanilang best practices sa pagpapatupad ng Support to Barangay Development Program (SBDP).

Tumanggap ang rebel returnees ng tseke na P65,000 mula sa Department of Interior and Local Government sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) nito bilang agarang tulong-pinansyal at kabuhayan.

Nakatanggap din sila ng hygiene kits, kulambo, at bitamina mula sa Department of Health (DOH)-Caraga, tig-P10,000 mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), at isa P5,000 mula kay Gov. Barbers. Mary Anne Sapico