Home NATIONWIDE Paglagda ni PBBM sa “No Permit, No Exam Prohibition Act” pinuri ni...

Paglagda ni PBBM sa “No Permit, No Exam Prohibition Act” pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines- Pinuri ni Senador Christopher “Bong” Go si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa paglagda sa Republic Act No. 11984, mas kilala bilang “No Permit, No Exam Prohibition Act” kamakailan.

Si Go ay co-author at co-sponsor ng panukala sa Senado na pangunahing iniakda ni Sen. Bong Revilla at pangunahing inisponsoran ni Sen. Chiz Escudero.

Ang bagong batas na magkakabisa, 15 araw matapos mailathala sa opisyal na pahayagang may malawak na sirkulasyon, ay sumasaklaw sa lahat ng pampubliko at pribadong institusyong pang-edukasyon, mula sa antas ng basic (K-12) hanggang sa mga higher education institution, kabilang ang technical-vocational institutions na nag-aalok ng kursong tumatagal nang higit 1 taon.

“Education is a fundamental right and a key driver of economic development. Improved access to education will lead to improved economic opportunities and overall well-being for our kababayans,” ani Go.

Sinabi pa ni Go na ang edukasyon ay isang makapangyarihang kasangkapan para maputol ang ikot ng kahirapan dahil ito ay nagbibigay sa mga indibidwal ng kaalaman at kasanayan na kinakailangan upang makakuha ng matatag na trabaho, magsimula ng mga negosyo, at magpatuloy sa mas mataas na edukasyon.

Ang bagong batas ay nagbibigay ng mga mekanismo pati na rin ng mga parusa upang matiyak na hindi mapipigilan ng mga institusyon ang mahihirap na estudyante na kumuha ng eksaminasyon at iba pang pagtatasa sa edukasyon dahil lamang sa mga hindi pa nababayarang obligasyon sa pananalapi, tulad ng matrikula.

“Ang sa atin dito, ayaw nating maantala ang kanilang pag-aaral. Alam n’yo, napakabigat po n’yan kapag hindi sila makaka-exam. Instead na maka-concentrate, makatutok sa pag-aaral ng mga kabataan, pabigat ‘yun sa iniisip nila,” sabi ni Go.

Samantala, batid ang tagumpay ng Republic Act No. 10931, o ang Universal Access To Quality Tertiary Education Act, na nilagdaan bilang batas ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, si Go ang kapwa may-akda sa ika-19 na Kongreso ng SBN 1360 na naglalayong palawakin ang saklaw ng subsidy sa tertiary education sa pamamagitan ng pag-amyenda sa RA 10931.

“Malaking tulong ito sa mga qualified Filipino students dahil magkakaroon sila ng option para makapag-aral sa institusyon na mas makatatapos sa mga kursong nais nilang kuhanin,” sabi ni Go.

“Patuloy tayong maghahanap ng paraan na mabigyan ng suporta ang ating mga estudyante upang hindi matigil ang pag-aaral ng ating mga kabataang Pilipino,” dagdag niya.

Co-author din si Go ng SBN 1864, o ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, na naglalayong magbigay ng kaluwagan sa mga mag-aaral na nag-loan ngunit hindi makabayad dahil sa mga sakuna at iba pang emergency.

Hinimok ni Go ang gobyerno na protektahan ang kapakanan ng mga kabataan, lalo na sa edukasyon, dahil sila ang kinabukasan ng bansa.

Nauna rito, co-author din si Go sa Senate Bill No. 1964, o ang Kabalikat sa Pagtuturo Act, na naglalayong dagdagan ang taunang “teaching supplies allowance” ng mga guro upang maibsan ang pinansiyal na pasanin sa pagbili ng school supplies para sa kanilang mga klase. RNT

Previous articleSurigao del Norte insurgency-free na
Next articlePagsisikap kontra baha pinalakas ng OCD, DPWH