MANILA, Philippines – Nagpatupad muli ng yellow alert status sa Visayas grid mula alas-6 ng gabi hanggang alas-7 ng gabi nitong Miyerkules dahil sa hindi pag-operate ng ilang generating units ng dalawang malalaking coal-powered plants.
Ayon sa National Grid Corp. of the Philippines (NGCP), nasa 2,682 megawatts (MW) ang available capacity habang inaasahang aabot sa 2,415 MW ang peak demand sa kuryente.
Nananatiling naka-forced outage ang Units 1 at 2 ng Therma Visayas, Inc. (TVI) at Unit 3 ng Panay Energy Development Corp. (PEDC), dahilan para mabawasan ang supply ng kuryente sa grid.
Naglalabas ng yellow alert kapag manipis ang reserbang suplay ng kuryente laban sa kinakailangang contingency requirement ng transmission grid.
Sinabi ng NGCP na lalo pang nabawasan ang kapasidad ng grid dahil marami pang ibang planta ang matagal nang naka-forced outage.
Ayon pa rito, 12 maliliit na power plant ang naka-forced outage ngayong buwan, isa mula pa noong Marso, tatlo mula 2025, dalawa mula 2024, dalawa mula 2023, at isa mula 2021.
Bukod dito, 12 pang planta ang tumatakbo sa derated capacities, kaya umabot sa kabuuang 858.15 MW ang unavailable capacity. RNT/MND